Mga suspek sa pag-ambush sa photojournalist, posibleng maaresto ngayong linggo -- PNP

(Manila Bulletin Photo)
Mga suspek sa pag-ambush sa photojournalist, posibleng maaresto ngayong linggo -- PNP
Posibleng maaresto ngayong linggo ang mga suspek sa pananambang sa isang photojournalist sa Quezon City kamakailan, ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes.
Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni PNP Spokesperson, Col. Jean Fajardo, sinusubaybayan na ng pulisya ang mga suspek batay na rin sa pakikipag-usap nito kay Quezon City Police District (QCPD) chief, Brig. Gen. Nick Torre.
Nakilala na aniya ng pulisya ang limang suspek o persons of interest sa pananambang kay Remate online photojournalist Joshua Abiad nitong Hunyo 29.
Gayunman, hindi na nagbigay pa karagdagang impormasyon ang pulisya kaugnay sa kaso upang hindi mabulilyaso ang kanilang follow-up operations laban sa mga suspek.
Matatandaang hinarang at pinagbabaril ng mga suspek ang sinasakyan ni Abiad at ilang kaanak nito sa Corumi Street, Brgy. Masambong, Quezon City nitong Huwebes ng hapon.
Sugatan sa insidente si Abiad at mga kaanak nito.
Nauna nang sinabi ni Torre na walang kinalaman sa trabaho ni Abiad bilang photojournalist ang insidente batay na rin sa kanilang imbestigasyon.