Inanunsyo ng Twitter owner na si Elon Musk na pansamantala nilang nililimitahan ang bilang ng tweets na maaaring makita o mabasa ng isang user kada araw.
Sa isang Twitter post, sinabi ni Musk na ipatutupad ang pagbabago sa app para ma-address ang "extreme levels of data scraping & system manipulation."
Base sa anunsyo, 6,000 posts o tweets kada araw ang makikita ng Twitter users na verified ang account, habang 600 posts o tweets lamang kada araw ang maaaring makita o mabasa ng users na hindi verified ang accounts.
Para naman sa "new unverified accounts," 300 posts lamang umano kada araw ang kanilang maaaring makita o mabasa.
"Rate limits increasing soon to 8000 for verified, 800 for unverified & 400 for new unverified," tweet din ni Musk bagama't hindi nilinaw kung kailan ito mangyayari.
Makalipas ng ilang oras, muling nag-tweet si Musk at sinabing itataas din ang limitasyon ng bilang ng tweets na maaaring makita ng users, kung saan magiging 10,000 kada araw para sa verified accounts, 1,000 kada araw para sa unverified accounts, at 500 kada araw para sa bagong unverified accounts.
Nito lamang Sabado, Hulyo 1, nang maiulat na nagkakaroon ng problema ang Twitter users sa naturang site matapos umano silang makatanggap ng notification na nalampasan na nila ang kanilang “rate limit.”