Kasabay ng salpukan nila sa dalawang noontime shows na "E.A.T.," ang bagong noontime show ng TVJ sa TV5, at grand launch naman ng "It's Showtime" sa GTV, nagpahatid ng pagbati sa trio sina Paolo Contis at Isko Moreno na mga bagong host ng "Eat Bulaga!" ng TAPE, Inc. na umeere sa GMA Network channel 7, at pag-welcome naman sa Madlang People na pinangungunahan ni Vice Ganda.
Imbes na magpasaring, nagbitiw pa ng magagandang salita ang dalawang hosts para sa kanilang mga katapat.
“Mga Kapuso, espesyal itong Sabadong ito para sa Eat Bulaga! dahil masasabi natin, ito ang bagong era ng noontime television habit ninyo. Alam naman natin, alam ko updated kayo sa mga nangyayari at nag-aabang kayo. Gaya ninyo, excited din po kami," anang Paolo.
“Para sa karamihan, isa itong malaking kompetisyon. Pero para sa programa gaya ng Eat Bulaga! na 44 years na po na nagpapasaya, hindi po ito kompetisyon, pero ito po ay aming inspirasyon,” dagdag pa niya.
Si dating Manila yorme Isko naman, binanggit pa nang buo sina Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon na mga naunang haligi ng EB. Masaya raw siya dahil nakahanap na sila ng bagong tahanan.
Kumbaga raw sa buffet, marami nang pamimilian ang mga manonood, paliwanag pa ni Isko.
Hindi lamang iyan, winelcome na rin ni Paolo ang dating direktang karibal, subalit ngayon ay kapitbahay na Showtime.
"Iwe-welcome ko na rin ang isa pang nagbibigay-saya. Mas nauna ito sa amin pagdating sa mga hosting, pero ngayon kapitbahay na natin sila. Sa It’s Showtime, welcome! Dahil ngayon kapitbahay na namin kayo, masaya kami na matatawag na namin kayong Kapuso," masayang bati ni Paolo.
"Kaya kung ano ka man, parte ka man ng Madlang People, kung Dabarkads ka man, kung Kapuso ka man, maraming-maraming salamat. Masaya kami na nandito kayo."
"Ang importante, tuloy-tuloy lang po ang pagbibigay namin ng saya dahil ang importante naman ay mga viewers natin. Welcome to your new home, It’s Showtime,” dagdag pa niya.
Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ng TVJ o kampo ng Showtime hinggil sa mensahe ng bagong hosts ng Eat Bulaga! para sa kanila.