Nagbuga muli ng lava ang Bulkang Mayon at umabot ito sa 2.7 kilometro, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Probinsya
Truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon, nahulog sa bangin; isa patay!
Sa advisory ng Phivolcs, ang naturang lava flow na umabot sa Mi-isi Gully ay naitala mula Sabado ng madaling araw hanggang Linggo (Hulyo 2) ng madaling araw.
Apektado naman ng pagragasa ng lava ang Bonga Gully. Aabot sa 1.3 kilometrong lava ang gumapang sa nasabing lugar.
Tinabunan din ng apat na kilometrong lava ang Basud Gully na na silangang dalisdis ng bulkan.
Nagkaroon din ng apat na pagyanig, bukod pa ang 397 rockfall events at dalawang dome-collapse pyroclastic density current (PDC) events.
Nagbuga rin ang bulkan ng 854 toneladang sulfur dioxide at sinundan ng 1,500 metrong taas ng usok na tinangay ng hangin pa-timog-kanluran, timog timog-kanluran at hilagang kanluran.
Babala pa ng Phivolcs, mapanganib pa rin ang lumapit at pumasok sa ipinaiiral na 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) ng bulkan dahil sa nakaambang pagsabog nito