Alert level status sa Myanmar, naibaba na ng DFA
Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naibaba na nila ang alert level status na ipinataw nito sa Myanmar noong 2021.
Ito ang inihayag ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega nitong Sabado at sinabing makababalik na nasabing bansa ang mga overseas Filipino worker.
"Ang mga Pilipinong nagtatrabaho nang ilegal dito sa Myanmar ay sa wakas ay makakauwi na, opisyal na mairehistro at makakabalik sa trabaho sa Myanmar," pahayag ng opisyal.
Sinabi ni De Vega na inaprubahan ni DFA Secretary Enrique Manalo ang pagbaba ng alert status kasunod ng mga pagsasaalang-alang sa katatagan at sitwasyon ng human trafficking sa mga hangganan ng Myanmar at Thailand.
"'Pag... ma-lower, ibig sabihin, balik manggagawa maaari. 'Yung mga nandoon na, na may working visa na sa Myanmar, papayagan na ng ating pamahalaan na makabalik, hindi na sila banned na pumunta doon,” aniya.
Mahigit 400 na Pinoy ang patuloy na nagtatrabaho sa Myanmar.
Noong May 2021, ipinasya ng DFA na itaas sa Level 4 ang alert status sa Myanmar dahil sa tumitinding hidwaang dulot ng pag-takeover ng militar sa gobyerno.