Task force na tututok sa photojournalist ambush case, binuo na!

(Noel Pabalate/Manila Bulletin)
Task force na tututok sa photojournalist ambush case, binuo na!
Bumuo na ng task force ang Philippine National Police (PNP) na mag-iimbestiga sa insidente ng pananambang sa isang photojournalist sa Quezon City nitong Huwebes ng hapon.
Bukod dito, inatasan na rin ni PNP chief, Gen. Benjamin Acorda, Jr. ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District na apurahin ang pag-iimbestiga upang matukoy ang mga suspek sa pananambang kay Joshua Abiad, photojournalist ng Remate online.
"To ensure a thorough and efficient investigation, the Quezon City Police District created SITG Abiad, the Special Investigation Task Group, which will meticulously gather evidence and testimonies. We are sparing no effort in our quest to gather substantial evidence and testimonies to shed light on this incident, ultimately leading to the immediate arrest of the perpetrators,” pahayag naman ni PNP Public Information Office (PIO) chief, Brig. Gen. Redrico Maranan.
Kinakausap na rin ng pulisya ang pamilya ni Abiad at mga kasamahan nito sa trabaho sa pag-asang makakuha ng impormasyong makatutulong sa paglutas ng kaso.
Bukod kay Abiad, sugatan din ang anim na kaanak nito, kabilang ang tatlong menor de edad, at bystander na si Jeffrey Ngo Cao, taga-Brgy. Apolonio Samson, QC.
Pauwi na sana ang pamilya ni Abiad sakay ng kanilang Ford Everest nang harangin at pagbabarilin sila ng mga suspek sa Corumi Street, malapit sa Gazan St, Brgy. Masambong, dakong 3:50 ng hapon.