Dinipensahan ng comedy actor na si Jerald Napoles si Awra Briguela, na inaresto matapos masangkot sa isang kaguluhan sa Makati City, at inihayag kung gaano umano ito kabuting tao sa likod ng camera.

Sa isang mahabang Facebook post ni Jerald nitong Biyernes, Hunyo 30, sinabi niyang tinuturing niyang nakababatang kapatid si Awra.

“Bilang kuya, kailangan kong magbigay ng opinyon para sa batang ito,” saad ni Jerald.

Ayon pa sa comedy actor, nakasama niya si Awra nang mahigit isang buwan sa isang lock in shooting, at doon na raw niya nakita ang kabutihan nito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Wala akong kapatid pero sa mga panahon na yun para akong may nakakabatang kapatid sa set ng shoot. Siya mismo ang nagpasimula ng connection sa aming lahat,” saad ni Jerald.

“After awhile ako mismo nagsabi sa kanya ‘Alam mo, hindi ko inexpect na maganda at maayos kang katrabaho at higit sa lahat napaka sweet mong bata, KEEP THAT ATTITUDE AND MENTALITY AT MARAMING MAGMAMAHAL SAYO’ true enough,” dagdag niya.

“Sa nangyari ngayon maraming mas nakaka kilala kay Awra ang nagpakita ng suporta,” saad ni Jerald.

Matatandaang inaresto si Awra nitong Huwebes, Hunyo 29, dahil sa isang kaguluhan. Iginiit naman ng mga kaibigan na nakasama niya sa isang bar na nasangkot lamang si Awra sa kaguluhang iyon dahil ipinagtanggol lamang daw niya ang mga kaibigan mula sa pangha-harass umano ng isang lalaki.

Ayon kay Jerald, bilang isa umanong anak, boyfriend at kaibigan ay handa rin daw siyang protektahan ang mga babaeng malapit sa kaniya. 

Kinuwento rin ng actor-comedian na may pagkakataong kung saan may nagtatangkang mang-harass sa kasintahan niyang si Kim Molina sa ibang bansa, at handa raw siyang magkagulo para protektahan ito.

“Alam niya (Kim) na handa ako sa gulo. Pero siya mismo umaawat sa akin pa rin maiwasan ang gulo hangga’t maari dahil sa PANANAW NG MADLA NA ARTISTA KAME, KAILANGAN PERPEKTO KAME,” ani Jerald.

“Maari kameng baliktarin at hindi kame dapat pumapatol. Pero tao lang kame, at pag inargabyado nyo ang malapit sa amin, kahit wag na kame… handa kameng harapin ang pagkakataon,” saad pa niya.

Sinabi rin ng actor-comedian na kung siya ang nasa sitwasyon ni Awra ay baka higit pa raw ang nagawa niya para sa mga kasama nitong babae.

“Kung ako ang nasa sitwasyon ni Awra at inargabyado, binastos, at winalang respeto ang kasama kong babae ng isang lalakeng lasing.. ganito rin ang mangyayari, baka higit pa,” saad ni Jerald.

“See you soon kapatid/behbeh gurl mananaig ang katotohanan. Alam kong hindi ka gumagawa nang gulo at alam kong handa ka ipagtanggol ang mga mahal mo,” dagdag niya sa naturang post kasama ang hashtag na #WeStandWithAwra.