Malapit nang ipatupad ang pagtaas ng suweldo sa bansa upang matiyak na mapoprotektahan ang sektor ng paggawa mula sa mabilis na paglawak ng ekonomiya.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa naganap na courtesy call ni International Labor Organization (ILO) Director General Gilbert Houngbo sa Malacañang nitong Martes.
Aniya, makikipagpulong ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawa, labor union at organisasyon upang mabalanse at mapakalma ang tinatawag na "inflationary measures" sa mga manggagawa.
“But I think our negotiations with workers, with the unions, with the different negotiations, we will be able to come to a good working number, a good compromise,” anang Pangulo.
Sa kasalukuyan, naglalaro ang minimum wage sa pagitan ng P372 at P470, depende sa rehiyon kung saan matatagpuan ang negosyo.
“When there is rapid industrialization and rapid expansion of the economy, there is a tendency to leave the labor sector behind and just exploit the labor sector. Our workers, of course, are asking for a (wage) increase, workers in those small businesses. We might drive the businesses out because they (employers) cannot pay because they are too small,” pahabol pa ng punong ehekutibo.
Nangako naman si Labor Secretary Bienvenido Laguesma na dumalo rin sa pagpupulong, na mareresolba ang usapin sa loob ng isang linggo.