Isa sa mga nagbigay ng mensahe sa naganap na contract-signing event sa pagitan ng GMA Network at ABS-CBN nitong Hunyo 28, 2023, para sa pagpapalabas ng noontime show na "It's Showtime" sa GTV, ay ang tumatayong lider nitong si Unkabogable Star Vice Ganda.

Hindi mailarawan ang kasiyahan sa mukha ni Meme nang magbigay na siya ng kaniyang mensahe ng pasasalamat para sa bosses ng parehong network.

Inilarawan niya ang It's Showtime bilang isang anak at kinatawan ng pamilyang Pilipino at ang ABS-CBN naman ay mga magulang na gagawin ang lahat para maibigay ang mga bagay na makabubuti sa kanila.

Ang GMA Network naman daw ay parang isang mabuting kapitbahay na handang magsagawa ng bayanihan para sa nangangailangan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pilipinong-Pilipino raw ang nangyayari, sey pa ng komedyante-TV host.

“Sa lahat ng mga bumubuo po ng It’s Showtime family, sa buong ABS-CBN, ay palagay ko ay nagpapasalamat sa pangyayaring ito, isang malaki at napakagandang pangyayari na nagaganap ngayon at nasasaksihan ng napakaraming Pilipino," panimula ni Vice.

“At bago pa man ito maibalita sa amin ni Tita Cory, ako talaga’y very optimistic. Ako’y punumpuno ng pag-asa. Noong nabalitaan ko pa lang 'yong hindi masyadong magandang mangyayari, hindi ako masyadong naaligaga. Hindi ako masyadong natakot kasi punumpuno ako ng pag-asa, at 'yong pag-asang 'yon at 'yong pag-asa naming lahat ang nagbitbit sa amin dito para magkita-kita tayong lahat."

“Sobrang saya ko na nangyayari ito at 'yong pangyayaring ito ay sadyang Pinoy na Pinoy. Pilipinong-Pilipino itong nagaganap ngayon."

“Ang pamilya ng It’s Showtime ay kumakatawan para sa lahat ng pamilyang Pilipino. 'Yong pamilyang Pilipino na lahat na yata ng kaganapan sa buhay ay dinanas. 'Yong pangkaraniwang Pilipino na lahat na yata ng bagyo ay hinarap. Lahat na yata ng klase ng baha ay naranasan. Lahat ng klase ng problema sa pamilya ay naranasan, pero patuloy pa ring tumatayo dahil sa pagmamahal na nararamdaman nila mula sa mga kasamahan nila sa bahay at dahil mahalaga sa kanila ang pamilya."

“At 'yong ABS-CBN naman, kumakatawan sa lahat ng mga magulang sa lahat ng bahay. 'Yong kahit anong kaharapin ng mga anak niya, kahit anong danasin ng bahay niya, kahit anong danasin ng pamilya niya, 'yong mga magulang, kahit anong hirap, hinding-hindi titigil sa paghanap ng paraan para itaguyod ang pamilyang ito."

“At ang GMA naman ay Pilipinong-Pilipino na parang mga kapitbahay na sa panahon ng pangangailangan ay handang mag-alay ng bayanihan sa nangangailangan nilang kapwa Pilipino kaya itong nangyayaring ito ay Pilipinong-Pilipino.

“Ito ay istorya ng tagumpay para sa akin, para sa mga kasamahan ko, para sa mga bosses natin, at lalo’t higit para sa Madlang People na nanonood at sumusubaybay ng mga programa natin."

“Kaya masayang-masaya ho ako, sobrang saya, and hindi ko makita kung saan ito pupunta. Kung saan dadalhin ang programa. Kung anong kahihinatnan ng araw na ito."

“Hindi ko alam, pero alam ko, ang pangyayaring ito ay magiging susi o magiging simula ng napakaraming magaganda pang susunod na pangyayari. I am just very hopeful, very grateful and very excited!” anang Vice.

Bukod kay Vice, nagsalita rin ang mga dating GMA artists na sina Anne Curtis at Ogie Alcasid na masayang-masaya sa panibagong development na ito sa Philippine TV.

Nagbigay rin ng mensahe ang mga eversince na laking ABS-CBN na sina Jhong Hilario at Kim Chiu.

Wala naman sa nabanggit na event sina Vhong Navarro at Karylle.

Tinapos ang makasaysayang contract-signing event sa pamamagitan ng toast at photo ooportunity ng ABS-CBN at GMA bosses kasama ang It's Showtime hosts.

Samantala, sinabi mismo ni Atty. Felipe Gozon, GMA Network Chairman, na sa palagay niya ay tapos na ang tinatawag na "TV war."

MAKI-BALITA: Atty. Felipe Gozon ng GMA: ‘TV war is finally over!’