Isang photojournalist at apat na iba pa, kabilang ang tatlong kaanak, ang nasugatan matapos pagbabarilin ng apat na hindi nakikilalang lalaki sa Barangay Masambong, Quezon City nitong Huwebes ng hapon.
Kaagad na isinugod sa ospital ang mga biktimang sina Joshua Abiad, 37, online photographer ng Remate ; Renato Abiad, 41; Jeffrey Cao, 47; at tatlo pang menor de edad.
Sa paunang ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap sa Corumi Street, malapit sa Gazan Street, tinatayang 460 metro mula sa Quezon City Police District (QCPD)-Masambong Station (PS 2).
Sinabi ng pulisya, sakay si Abiad ng silver na Ford Everest at tinatahak ang nasabing lugar, kasama ang pitong kaanak, nang harangin ng mga suspek at pinagbabaril, daking 3:50 ng hapon.
Sa isang Facebook post, kinumpirma naman ni Presidential Task Force of Media Security (PTFoMS) Undersecretary Paul Gutierrez na tinamaan ng bala si Abiad batay na rin sa pahayag ng pulisya.
Tinamaan naman ng ligaw na bala si Cao na nasa lugar nang mangyari ang insidente, ayon sa report.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek sakay ng silver na Toyota Vios at isang motorsiklong Yamaha Mio patungong Del Monte Avenue.
Labing-apat na basyo ng bala ang narekober ng pulisya sa crime scene.
“Napagalaman na si Abiad ay witness ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) at PNP (Philippine National Police) sa mga drug related na kaso (It was learned that Abiad is a witness of PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) and PNP (Philippine National Police) ) in drug related cases,” banggit ni Gutierrez sa kanyang social media post.
Nagsasagawa pa ng dragnet operation ang pulisya laban sa mga suspek.
Aaron Homer Dioquino