“Magda-dive na lang ako para malayo sa ingay ng lat…😭”

Kinaaliwan ng netizens ang flinex na mga larawang kuha ng photographer na si Brylle Samgel Arombo, 26, mula sa Cebu, tampok ang kaibigan niyang si Ariston na naglalaro ng trending na lato-lato sa ilalim ng dagat.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Arombo na nangyari ang pag-shoot nila ng mga nakakaaliw na mga larawan kahapon, Hunyo 28, 2023, sa Kontiki Marina sa Lapu Lapu City, Cebu.

Mula pa raw taong 2022 ay nahilig na si Arombo sa underwater photography at paggawa ng mga concept na makaka-relate sa mga tao, at isa na nga rito ang concept ng nauusong lato-lato.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“We just want something different but still relevant to current happenings. A different approach on trends,” ani Arombo

Kuwento pa niya, hindi madali ang mag-shoot sa ilalim ng dagat, lalo na sa concept ng lato-lato, ngunit sobrang nakakaaliw daw na gawin ito.

Nadiskubre rin daw nila sa nasabing shooting na may tunog din palang nagagawa ang lato-lato kahit sa ilalim ng tubig.

“Legit, may tunog pa rin sya. Pero ‘di ganong same na mabilis [kumpara] ‘pag nasa dry [place],” pagbabahagi ni Arombo.

Marami naman ang naaliw sa “havey” na concept ng underwater photography ni Arombo na itinampok sa kaniyang Facebook post at umabot na sa mahigit 900 shares.

“May lato-lato pa rin sa ilalim ng dagat booooy! ,” komento ng isang netizen sa naturang post ni Arombo.

“Na-witness ko to legit tumutunog sa ilalim ng dagat,” saad naman ng isa pa.

“Lato lato hanggang dulo ng line,” hirit ng isa pang netizen sa comment section.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!