Usap-usapan na naman ang naging sagot ni Kapuso actress at beauty queen Herlene Budol sa Wednesday episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," Hunyo 28, 2023, tungkol sa naging kontrobersyal na sagot niya sa Q&A portion ng sashing ceremony at press presentation ng Miss Grand Philippines 2023 kamakailan.
Sa nabanggit na interview portion, hindi nagustuhan ng maraming netizens ang paraan ng pagsagot ni Budol.
Tanggap at hindi na raw kasi tinitingnan kung magaling na ba siyang magsalita o magpahayag ng opinyon at saloobin gamit ang wikang Ingles, subalit sana raw ay mas naging seryoso at maayos pa ang naging pagsagot niya na nasa wikang Filipino na.
Komento pa ng maraming netizens, tila idinaan daw sa biro at komedya ni Herlene ang kaniyang pagsasalita, at mukhang nakalimutan daw na nasa beauty pageant siya at wala sa sitcom o gag show.
Dahil sa kaliwa't kanang atake online, humingi ng dispensa si Budol sa publiko sa pamamagitan ng Facebook Live at Facebook post na rin.
Sa pagharap niya kay King of Talk Boy Abunda, sinagot niya ang tanong nito kung totoo bang "dinogshow" niya ang pagsagot sa nabanggit na beauty contest.
"Dogshow" ang makabagong termino sa pagbibiro o gawing katawa-tawa ang isang bagay sa halip na seryosohin ito.
"Tinanong ka, sinagot mo to the best you can, may mga taong nagsasabing 'Seryoso ba siya?' You know, this is really cruel, one guy even said that you made that press conference into a dogshow, you know, 'yong bashing? Ano ang karanasan na 'yon? Ano ang naramdaman mo?" tanong ni Boy.
Seryosong sagot ni Herlene, "Dog lover po kasi ako eh..."
"Ah okay," inisyal na reaksiyon ni Boy.
"Saka ahhhmm para sa akin naman po ano eh, seryoso naman po ako sa ginagawa kong ito, pero hindi ko ho talaga naintindihan 'yong tanong, hindi ko po alam kung bakit, kahit sanay naman po akong tanungin nang tanungin ng maraming tao, siguro ho noong time na 'yon, wala rin ho akong tulog, wala rin akong kain..." paliwanag ni Herlene.
Sa kabilang banda, alam naman ni Herlene na kahit wala siyang tulog o kain, hindi ito excuse upang hindi siya makasagot nang maayos sa tanong.
"Hindi ho iyon reason para hindi ako makasagot, siguro nga ho dahil tinawag na nila akong bobo, tanga okay lang po... ang natutunan ko nga po rito, more talks, more mistakes, more learnings..." dagdag pa niya.
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng mga netizen.
"Matagal ka na rin namang ganyan, parang hindi ka naman natututo. Ginagawa 'yan hindi puro dakdak!"
"Just go on Herlene. Only God can judge You and all of us. It's never a sin if you fail to answer to the question correctly. All makes mistakes. No one Is perfect! You are beautiful, kindhearted, lovable, good, helpful, honest etc., and that is all that matters."
"More practice makes perfect... gawin mong inspirasyon ang pangba-bash nila sa iyo, hindi biro humarap sa entablado lalo na kung tatanungin ka sa Q&A, 'yong alam mo ang sagot pero hindi mo alam paano i explain..."
"Magtraining ka po ng magandang pananalita, iyon po ang iimprove n'yo, may potential ka naman po eh."
"Hinog sa pilit. Okay ka naman sa looks and stage presence, pero hasain mo sarili mo sa Q&A. Kahit sa Tagalog ka na lang magsalita basta maayos lang!"
Dagdag pa ng aktres-beauconera, nais pa raw niyang matuto sa mga pagkakamaling nagagawa niya.
MAKI-BALITA: Herlene Budol ‘winalwal’ Q&A sa sashing ceremony ng Miss Grand PH?