Number 9 trending sa YouTube ang vlog ni Unkabogable Star Vice Ganda tungkol sa mga nangyari sa noontime show na "It's Showtime, kaugnay ng pag-alis nito sa TV5 at paglipat sa GTV.

Kuwento ni Vice, noong una raw ay nababasa lang niya sa Twitter ang tsika kaya naman nagtanong siya kay ABS-CBN head Cory Vidanes kung may katotohanan ito.

Kinalma naman siya ni Vidanes at sinabing wala pa raw talks sa pagitan ng TV5 at ABS-CBN kaya wala silang dapat ikabahala.

Hanggang sa matapos daw ang kaniyang concert, wala raw naiparating sa kaniyang balita patungkol dito. Kuwento niya, tila nagdadalawang-isip pa raw ang management kung sasabihin sa kaniya habang nagko-concert siya, o pagkatapos na lamang.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Hanggang sa isang araw ng Linggo, tinawagan daw siya ng headwriter ng Showtime at umiiyak na nagtanong tungkol sa narinig nitong titigbakin na sila sa TV5.

Dahil nga sinabi mismo ni Vidanes na wala pang pulong sa pagitan ng dalawang network, kinalma ni Vice ang headwriter at sinabing fake news ang mga nababasa at naririnig nito.

Hanggang sa nangyari na nga ang pagpapatawag sa kaniya ng management, at sa kaniya muna sinabi ang tungkol sa pag-alis nila sa TV5.

"Ang weird kasi wala akong masyadong emosyon," ani Vice.

"Siguro high pa ako kasi galing pa ako sa concert... tapos sabi ko na lang, 'Okay...' "

Dito raw ay tinanong siya kung okay lang sa kaniyang ma-move ang Showtime sa 4:30 time slot sa TV5.

"Sabi ko personally, kung ako (tatanungin), siyempre ayoko yung 4:30pm time slot, because Showtime is a noontime brand, it will destroy the brand. Kung dati nausog tayo naging 12:30, naging 12:45 okay pa 'yon kasi pasok pa siya sa noontime, pero kung 4:30 hindi na siya noontime, eh feeling ko, that's not gonna be right, personally..." anang Vice.

Nilinaw ni Vice na hindi naman siya ang may-ari ng Showtime, at kumbaga ay sundalo lang siya, kaya sasamahan niya ang mga kasama kahit ano pa ang mangyari.

Kaya nang pinatawag ang iba pang co-hosts, mas emosyunal daw sila kaya nagtaka rin sila na tila mas kalmado si Vice nang mga sandaling iyon.

Ayon kay Vice, kaya hindi na siya "nagpaka-wild" sa kaniyang emosyon ay dahil naniniwala siya sa Showtime at alam niyang mahal sila ng madlang people, at mahal din naman nila ang kanilang mga tagatangkilik.

"I believe we were able to create and establish a very strong bond with the audience, with the madlang people. At hindi ito madaling mangangarag lang nang gano'n-gano'n," paglilinaw ni Vice.

Pinaalala raw ni Vice sa mga kasamahan na dati nga ay isang platform lang sila napapanood, kaya wala silang dapat ikabahala kung malalagasan sila ng isa.