Isinapubliko nitong Miyerkules ng Bureau of Customs (BOC) ang pagkakasamsam ng halos ₱5 milyong halaga ng raw ecstasy sa ikinasang operasyon sa Las Piñas City kamakailan.
Hindi na rin binanggit ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng claimant na inaresto ng mga tauhan ng BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).
Sa report ng BOC, dumating ang package sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City mula Berchem, Belgium via postal service nitong Hunyo 20, 2023.
Gayunman, natuklasan sa pagsusuri na naglalaman ito ng iligal na droga kaya nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad na ikinaaresto ng suspek.
Nasamsam sa suspek ang 1.460 gramo ng illegal drugs.
Pansamantalang nakapiit sa PDEA ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Drug Act) at Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).