Pormal na inanunsyo ng Malacañang na ang araw ng Hunyo 28 ngayong 2023 ay isang pambansang holiday alinsunod sa pagdiriwang ng "Eid'l Adha" o Sakripisyong Alay (Feast of Sacrifice).
Para sa kaalaman, may dalawang pinakamahalagang pagdiriwang ang mga Muslim sa loob ng isang taon.
Una ang “Eid ul Fitr” bilang pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan at pangalawa naman ay ang “Eid’l Adha” kung saan para sa banal na araw ng pagsasakripisyo at pag-aalay ng kakataying hayop na magmumula sa tulad ng kambing, tupa, baka o kamelyo.
Ang “Eid'l Adha” o pagdiriwang ng “Sakripisyong Alay,” ay ang panahon kung saan mayroong nagaganap na pag-aalay, pagkakaisa at pagmamahalan. Ayon sa manunulat na si Wardah Abbas, sa kaniyang artikulong “Paano Ipinagdiriwang ang Eid" na mababasa sa website na "Relihiyong Islam," ang “Eid” ay nangangahulugang “pagdiriwang” o “piging.”
Sa karagdagan pang dahilan, nagpaparangal ito ng pagpapaunlak at pagpapakita ng katapatan ni Ibrahim na kaya niyang isakripisyo ang kanyang panganay na anak na si Ismael, bilang isang pagsubok ng pagsunod niya sa kanyang Panginoon o kay Allah.
Makikita sa tagpong iyon ang tunay at dalisay na katapatang ipinakita ni Ibrahim sa Panginoon na siyang tumatalima sa mga ipinag-uutos sa kanya.
Matapos subukin ang katapatang ipinakita ni Ibrahim, namagitan na si Allah. Iniutos kay Ibrahim na isang tupa na lamang ang i-alay kapalit ng kanyang anak na si Ismael.
Ang pagtalima, pagsunod at pagpapalalim naman sa kautusan at kalooban ng Allah ay tunay na katangian ng isang matuwid na Muslim.
Ipinadiriwang ng mga Muslim ang araw sa pag-aalay ng isang tupa at pamamahagi nito hindi lamang sa mga kapamilya at kaibigan, bagkus ganun din sa mga kapus-palad.
Hudyat ng pagtatapos ng taunang Hajj o Islamic pilgrimage ang pagdiriwang sa Mecca sa Saudi Arabia.
Para naman sa Pagdarasal sa Eid, sinisimulan ito sa pagsasagawa ng sama-samang pagdarasal sa Eid, minsan sa loob ng masjid ngunit kadalasan ay sa isang malaking bakanteng lote.
Habang sa daan patungo sa Pagdarasal sa Eid, binibigkas nila ang mga katagang Arabe na:
“Allahu Akbar, Allahu Akbar, Allahu Akbar. La ilaha illalah. Allahu Akbar, Allahu akbar, Wa lillahil Hamd. Si Allah ay dakila, si Allah ay dakila, si Allah ay dakila.”
“Walang ibang diyos kundi si Allah. Si Allah ay dakila, si Allah ay dakila. Sa Kanya nauukol ang lahat ng papuri,” tumbas naman nito sa wikang Filipino.
Kasunod ng pagdarasal sa Eid, ang mga Muslim ay nagsasama-sama para magkaroon ng isang piging kasama ng kanilang mga pamilya at mga kaibigan para pagsaluhan ang
iba’t ibang mga handa.
Ang Eid ay para ipagdiwang na natapos ang espiritwal na tungkulin, gayundin ang oras ng pagbibigkis at pagpapalitan ng yakap at halik, at kagalakan kasama ng pamilya, mga kaibigan at ng pamayanan.
Sa huli, sa bawat Muslim, ang Eid ay oras ng pagbibigayan at pagpapadama ng pagmamahal, kapayapaan at pagkakaibigan kaya naman nagbabatian sila ng “Eid Mubarak.”
KAUGNAY NA ARTIKULO: PAGDIRIWANG NG EID’L ADHA