Pinangunahan mismo nina Manila Mayor Honey Lacuna at Sta. Ana Hospital (SAH) Director Dr. Grace Padilla ang inagurasyon ng isang state-of the art na blood bank na magkakaloob ng libreng dugo para sa mga indigent na pasyente sa Maynila, na mangangailangan nito.
Ayon kay Lacuna, na isa ring doktor, ang naturang bagong blood bank ay matatagpuan sa isang dalawang palapag na gusali sa grounds ng SAH.
Ito aniya ang tugon sa pang-araw-araw na problema ng lungsod kung saan kukuhanin ang dugo para sa mahihirap na pasyente, na sumailalim sa operasyon o delivery, gayundin yaong may mga kondisyong nangangailangan ng dugo, gaya ng anemia at iba pa.
Samantala, pinasalamatan din ni Lacuna ang Jaime V. Ongpin Foundation, Inc. dahil sa pag-isponsor sa naturang blood bank.
Umapela rin naman siya sa mga residente na gawin ang kanilang parte at mag-donate ng dugo para sa blood bank upang makapagligtas ng buhay.
“Kailangan namin (city and private sector) ng katuwang. Sa pagbibigay ninyo ng dugo, masasabi nating nakatulong tayo sa kapwa natin Manilenyo…bukas, may makakagamit ng dugo ko,” apela pa ng alkalde.
Bukod kina Lacuna at Padilla, dumalo rin naman sa naturang inagurasyon sina Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold Pangan, at mga hospital directors na sina Dr. Ted Martin ng Gat Andres Bonifacio Medical Center at Dr. Merle Sacdalan-Faustino ng Justice Abad Santos General Hospital, chief of staff ng SAH na si Midas Capinig, mga city councilors at mga department heads.