Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 241 rockfall events at 107 pagyanig sa Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24 oras.

Sa tala ng Phivolcs nitong Martes, Hunyo 27, nagkaroon din ng 17 Dome-collapse pyroclastic density current events.

Namataan din umano ang mabagal na pagdaloy ng lava na may haba na 1.6 kilometro sa Mi-isi Gully at 1.2 kilometro sa Bonga Gully at pagguho ng lava hanggang 3.3 kilometro mula sa crater ng bulkan.

Samantala, naiulat ngayong araw ang pagkakaroon ng katamtamang pagsingaw ng usok na may taas na 750 metro na napadpad sa gawing kanluran.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nasa 753 tonelada ng sulfur dioxide flux naman kada araw ang ibinuga ng Bulkang Mayon mula nitong Lunes, Hunyo 26, at nananatili pa rin ang pamamaga nito.

Naobserbahan umano ang naturang pag-aalburoto ng bulkan dakong 5:00 ng madaling araw nitong Lunes, hanggang 5:00 ng madaling araw nitong Martes.

Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.

Kaya naman, mariing ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius sa Permanent Danger Zone maging ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa babaw ng bulkan.

Nananatili pa rin sa Alert Level 3 (increased tendency towards a hazardous eruption) ang bulkan.