Dalawang sinaunang bomba na ginamit pa umano noong World War II ang aksidenteng nahukay ng mga awtoridad sa compound ng National Museum of the Philippines sa Maynila nitong Lunes, Hunyo 26, ayon sa Manila Police District (MPD).
Ayon sa MPD-District Explosive and Canine Unit (MPD-DECU), nakatanggap ito ng tawag mula sa isang security officer ng National Museum Complex bandang 6:00 ng gabi nitong Lunes, na humihiling ng tulong hinggil sa explosive ordinance disposal (EOD).
Agad namang nakipag-ugnayan ang mga rumespondeng opisyal ng MPD sa security team ng National Museum at sa backhoe operator ng 401 Construction and Development Corporation para alisin ang naturang mga bomba.
Kinilala ng MPD-DECU ang mga hindi sumabog na bomba na isang 77-millimeter high exploded projectile at isang 27-millimeter anti-aircraft cartridge.
Natagpuan umano ang dalawang vintage bombs ng isang backhoe operator habang nagbubuhos ito ng lupa sa isang bahagi ng National Museum complex.
Posible raw nasama ang dalawang sinaunang bomba sa hinukay na panambak na lupa na nanggaling din sa loob ng National Museum.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na umano ng kapulisan ang naturang mga sinaunang bomba.