Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng DepEd na isinagawa ang Surveillance Audit noong Hunyo 6-7 upang matukoy kung ang naitatag na QMS ng DepEd pilot offices ay ipinatupad, napanatili, at naipagpatuloy para sa tuloy-tuloy na pag-unlad nito.
Ayon sa DepEd, nakita ng TUV NORD, bilang isa sa pinakamalaking organisasyon sa Inspection, Certification & Testing sa buong mundo, na siyang nagsagawa ng surveillance audit, na walang ‘nonconformities’ para sa DepEd NQMS Pilot Offices, kabilang ang Central Office (CO), Regional Office (RO) IV-A CALABARZON, Schools Division Office (SDO) ng Biñan City, Biñan Elementary School (BES), at Biñan Integrated National High School (BINHS).
Nabatid na ang surveillance ay para sa ISO 9001:2015 Certification na natanggap ng Kagawaran noong 2022 para sa NQMS Pilot Offices nito na nagpapatunay sa pag-unlad ng mga sistema at proseso at walang patid sa paghahatid ng mga dekalidad na serbisyo ng DepEd.
Anang DepEd, pinangunahan ni Undersecretary at Chief of Staff Michael Wesley T. Poa ang Executive Committee sa audit para sa Top Management ngayong taon, kasama si Quality Management Representative Undersecretary Gloria Jumamil-Mercado.
Dumalo rin ang mga Pangalawang Kalihim na sina Annalyn Sevilla, Revsee Escobedo, Nolasco Mempin at Omar Romero, at mga Kawaksing Kalihim na sina Alma Torio, G.H. Ambat, Dexter Galban at Noel Baluyan bilang mga kinatawan ng ahensya para sa Top Management.
Samantala, ang mga pilot office sa RO IV-A (CALABARZON) ay pinangunahan ni Regional Director Atty. Alberto Escobarte, Division Superintendent Manuela Tolentino (SDO Biñan), at mga School Head na sina Ms. Pilar De Castro at G. Oliver Caliwag (Biñan Elementary School at Biñan Integrated National High School).