Viral at kinaaliwan ng netizens online ang post ni Samantha Osayan kung saan ibinahagi nito sa kaniyang Facebook account ang naging resulta ng ginawa niyang ‘Letche Flan’ na tila nagkanda-letse-letse na ang hitsura nitong Miyerkules, Hunyo 21, 2023.

Makikita sa larawang ini-upload ni Samantha na halos magmukha nang piniritong itlog ang kaniyang nagawang leche flan na malayo na talaga sa dapat na maging hitsura nito.

Low carb leche flan talaga ang target na gawin ni Samantha kung saan bawal siya sa matatamis na pagkain kaya’t hindi umano ito gumamit ng kahit ano mang condensed milk.

May paliwanag namang sagot si Samantha kung bakit hindi nagmukhang leche flan at sa halip nagmistulang piniritong itlog ang hitsura ng kaniyang leche flan. 

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

“30 minutes ko lang po siyang niluto at pinakuluan sa medium heat. And after na maluto hindi ko na po pinalamig, diretso na sa plato kaya ayon ang pangit ng kinalabasan” tila naiiyak at natatawang reaksiyon ni Samantha.

Ano pong kulang sa LECHE plan ko?” mababasang caption sa kaniyang Facebook post.

Samot-saring kasagutan naman mula sa netizens ang mababasa sa comment section.

“Kulang sa PLAN

“Kulang sa bate, di dapat ganyan ang scrambled egg e”

“Tapa at sinangag po para tapsilog na”

“Sa buhos po para lumubog”

“Masarap Yan palaman sa pandesal

“PLANning bago iluto beh.”

Ayon pa sa eksklusibong panayam ng Balita kay Samantha, hindi naman niya ini-expect na magti-trending ang kaniyang ibinahaging Facebook post.

“Actually may video po ako. Hahaha ‘di ko na lang i-nupload kasi nahihiya ako sa result. I didn't expect naman na magtrending” aniya. 

Pero sa kabila ng hindi kaaya-ayang tingnan ng kaniyang leche flan, masarap naman daw ang lasa nito, dagdag pa nito.

Habang isinusulat ang balitang ito, umabot na sa 10K reacts, 3.2K comments at mayroon namang bilang na 23K shares ang inabot ng kaniyang Facebook post.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!