Ligtas ang mga Pinoy sa Russia sa kabila ng pag-aalsa ng militia group na Wagner.

Ito ang tiniyak ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega sa isang television interview nitong Lunes ng umaga.

Aniya, aabot sa 10,000 Pinoy ang nagtatrabaho sa Russia, kabilang na ang 9,000 na nasa Moscow na hindi nakubkob ng nasabing grupo.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

“Ang pinasukan ng Wagner group 'yung Rostov, ang city na 1,000 kilometers away. And kinontak ng ating embahada sa Moscow ang bawat isa sa kanila. Mga 11 sila doon,” aniya.

“Mabuting kalagayan naman sila at saka natapos na 'tong mini-rebellion kaya medyo bumabalik na sa normal 'yung sitwasyon sa Russia,” banggit ng opisyal.

Gayunman, nakaalerto pa rin aniya ang mga sundalo ng Russia dahil sa patuloy na giyera sa pagitan ng nasabing bansa at ng Ukraine.

“Pati 'yung mga tao sa Rostov sabi nila, noong kinakausap sila ng embassy, safe naman sila kahit na may mga tangke doon sa city,” anang opisyal.

Kamakailan, nanawagan ang Philippine Embassy na naka-base sa Moscow sa mga Pinoy na mag-ingat at maging alerto sa kabila ng sitwasyon.

Matatandaang kinubkob ng nasabing mercenary group ang Rostov-on-Don bilang bahagi ng tangkang pagpapabagsak sa liderato ng militar sa lugar.