
(Manila Bulletin File Photo)
₱10M 'ghost' project: Reclusion perpetua, hatol sa ex-water district exec sa Lanao del Sur
Pinatawan ng Sandiganbayan ng reclusion perpetua ang isang dating opisyal ng Tugaya water district sa Lanao del Sur dahil sa paglustay ng pondo ng bayan na aabot sa ₱10 milyon noong 2011.
Napatunayan ng anti-graft court na nagkasala si Jamaloden Faisal, dating general manager ng nasabing water district, sa kasong malversation.
Bukod dito, pinatawan din si Faisal ng 10 taon na pagkakakulong sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019).
Sa rekord ng kaso, aabot sa ₱25 milyon ang budget ng gobyerno para sana sa pagpapagawa ng 10 reservoir sa Mt. Gurain sa Balindong, Lanao del Sur.
Gayunman, inilabas ni Faisal ang mahigit sa ₱10 milyon na natuklasang nilustay nito.
Nabisto rin si Faisal na ginamit nito ang contractor na Nascon Builders upang palabasin na ipinatupad ang proyekto.
Ayon sa Nascon, walang kinalaman ang kanilang kumpanya sa sinasabing proyekto ni Faisal.
Pinatunayan naman ng National Bureau of Investigation na wala silang nakitang reservoir na sinasabing proyekto ni Faisal sa nasabing lugar.
"A Joint Affidavit of Inspection was submitted by the team of investigators from the National Bureau of Investigation stating that the reservoirs funded by LWUA (Local Water Utilities Administration) are inexistent, based on the Development Map and Detailed Cost Estimate of the Project,” ayon naman sa resolusyon ng Office of the Ombudsman noong 2017.
Philippine News Agency