Halos plantsado na ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) elections sa Oktubre 30, 2023.

“Mga 95% na kami. Magpi-print na lang kami ng balota para sa mga nagparehistro mula December 12 hanggang January 31,” pahayag ni Comelec chairman George Garcia sa panayam sa radyo nitong Linggo.

Naantala aniya ang pag-iimprenta ng balota dahil sa double o multiple registrants na umabot na sa 491,000.

Sinimulan na aniya ng Comelec ang pagsasampa ng kaso laban sa 7,000 indibidwal na mayroong double o multiple registrations.

“Mga first week ng August, available na ang malinis at maayos na listahan ng mga botante sa buong bansa,” banggit ni Garcia.

Idinagdag pa niya na tatanggalin ng Election Registration Board ang multiple registrations bago pa idaos ang halalan sa Oktubre.