
(AFP)
Mga Pinoy sa Russia, pinag-iingat sa gitna ng rebelyon ng militia group
Pinag-iingat ng gobyerno ang mga Pinoy sa Russia sa gitna ng rebelyon ng militia group na Wagner.
Ito ay sa gitna ng tumataas na tensyon sa pagitan ng nasabing grupo at ng mga sundalo ng Russia matapos akusahan ni Russian president Vladimir Putin si Wagner leader Yevgeny Prigozhin na nagpasimuno ng pag-aalsa.
Sinabi ng Philippine Embassy na naka-base sa Moscow, hinikayat na nila ang mga Pinoy sa lugar na iwasan na munang bumiyahe para na rin sa kanilang kaligtasan.
Sa naunang ulat ng Reuters nitong Sabado, nakubkob na ng grupo ang Rostov-on-Don habang sila ay patungo sa Moscow.
Inihayag din ng embahada na Pilipinas na naglatag na ng counter-terrorism measures si Moscow Mayor Sergey Sobyanin sa buong lungsod, kabilang na ang pagkontrol sa trapiko at pagbabawal sa mga pagtitipon.
Nanawagan din ang embahada sa mga Pinoy na nakatira sa Rostov-on-Don, Belgorod at iba pang lugar na malapit sa boundary ng Russia at Ukraine na iparating sa kanila ang sitwasyon ng mga ito.
Philippine News Agency