Lider ng gun-for-hire group, 4 pa timbog sa Nueva Ecija
Lider ng gun-for-hire group, 4 pa timbog sa Nueva Ecija
NUEVA ECIJA - Pinaniniwalaang nalansag na ng pulisya ang isang gun-for-hire group, matapos maaresto ang umano'y lider nito at apat na tauhan sa ikinasang checkpoint sa Aliaga nitong Linggo ng madaling araw.
Gayunman, tumanggi ang pulisya na isapubliko ang pagkakakilanlan ng limang suspek, kabilang na ang pinuno ng mga ito sa Hernandez gun-for-hire group.
Sa imbestigasyon, apat sa mga suspek ay pawang taga-Batangas, habang ang isa ay taga-Quezon.
Naharang ang mga ito sa checkpoint sa Barangay Sto. Rosario nitong Hunyo 25 ng madaling araw habang sakay sila ng isang kotse, ayon sa report na natanggap ni Nueva Ecija Police director, Col. Richard Caballero.
Nag-o-operate umano ang mga ito sa Region 4A (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), Metro Manila at Region 3.
Nasamsam ng pulisya ang P27,200 na halaga ng illegal drugs, mga pampasabog, isang M16 rifle, ilang magazine at bala, tatlong granada at apat na caliber .45 pistol, mga bala nito at cash na halos P50,000.
Nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions), RA 9516 (Illegal possession of Explosives) at RA 9165 (Possession of Illegal Drugs) ang limang suspek na nasa kustodiya na ng pulisya.