'Di kumakalma! Ibinugang lava ng Mayon Volcano, umabot sa 1.3km
Umabot sa 1.3 kilometro ang ibinugang lava ng Mayon Volcano sa nakalipas na 24 oras.
Sa monitoring period ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang naturang lava flow ay umabot sa bahagi ng Mi-isi Gully.
Nasa 1.2 kilometro namang pagdaloy ng lava ang umabot sa Bonga Gully
Bukod dito, naramdaman din ang 24 na pagyanig ng bulkan na sinundan ng 257 rockfall events.
Nakapagtala pa ang Phivolcs ng 16 dome-collapse pyroclastic density current (PDC) events.
Ibinuga rin ng bulkan ang 663 toneladang sulfur dioxide kasunod ng usok na umabot sa 600 metrong taas bago tangayin ng hangin pa-kanluran timog-kanluran at timog-kanluran, nitong Hunyo 24.
Nilinaw ng ahensya, naobserbahan pa rin ang pamamaga ng bulkan na isa sa senyales na patuloy pa rin ito sa pag-aalburoto.
Nasa Alert Level 3 status pa rin ang bulkan na nangangahulugang posibleng sumabog anumang oras, ayon pa sa Phivolcs.