Nasa mabuting kalagayan na raw ang asong ililigaw na sana ngunit kinupkop ng delivery rider na kinilalang si Junius Arellano.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Arellano na masaya siyang dumating sa buhay niya ang naturang aso na pinangalanan niyang “Kiba.”
“Sobrang saya po, nadagdagan po ang pamilya ko at na save ko si Kiba sa malupit niyang amo,” ani Arellano.
Nalaman daw niyang ipinaliligaw ng dating pet owner si Kiba dahil natatakot itong mahawaan ang mga anak niya sa sakit sa balat ng aso.
Dahil sa awa, walang pagdadalawang-isip na kinupkop ni Castro si Kiba at binuhat pa pauwi sa gitna ng init ng araw.
MAKI-BALITA: Delivery rider, kinupkop at binuhat pauwi ang ililigaw na sanang aso
Naidala naman daw ito agad sa veterinarian dahil na rin sa mga talagang naghanap kay Castro para tumulong sa kaniya sa pagpapagamot kay Kiba, tulad na lamang ng Bow House.
“Madami pong tumulong kay Kiba financially. Lubos po akong nagpapasalamat at may mga tumulong sa amin. Hindi ko nga po alam kung maiiyak ako or matutuwa sa sobrang saya. Sa totoo lang po, hindi po ako nakakabyahe pasi po nakatutok po ako sa kalagayan ni Kiba,” ani Castro.
“We really hope that people learn from this and from the bottom of our hearts, thank you to people like Kuya Junius and everyone else who shared his story,” saad naman ng Bow House sa Facebook post nito.
Matapos ang pagdala sa veterinary clinic, na-diagnose umano si Kiba ng erlichia at babsiosis, ngunit nasa estado na ngayon ng pagpapagaling.
“Malakas na po siyang kumain. Wala na po ang garapata niya. Sana po tuloy-tuloy na ang recovery niya. Masyadong makulit na po kasi ayaw niya akong nahihiwalay sa kaniya. Lagi siyang umiiyak pag umaalis ako kaya po hindi ako nakakabyahe,” ani Castro.
Tila masaya na rin daw si Kiba kasama ang isa pang aso ni Castro at ang 10 nitong rescued cats.
“God bless you Sir for being kind to animals ,” komento naman ng isang netizen sa naturang post ng Bow House.
“Bless your kind heart...Thank u so much for rescuing the dog,” ang isa pa.
“Thanks Kuya Junuis for being kind ,” saad ng isa pang netizen sa comment section.