Pumanaw na si Donald Triplett, ang pinakaunang indibidwal na na-diagnose ng autism, sa edad na 89 sa kaniyang tahanan sa United States, ayon sa kaniyang pamilya.
Sa ulat ng Agence France-Presse, na-diagnose si Triplett, kilala rin bilang "Donald T” sa scientific literature, ng developmental disability na autism na tinawag umano bilang "Case 1” noong 1984. Siya ay 10 taong gulang nang mga araw na iyon.
Naging simbolo umano si Triplett para sa mga taong may autism na naghahanap ng katuparan sa buhay. Naging paksa rin siya sa isang dokumentaryo at libro, maging sa maraming panayam.
Noong bata pa si Triplette, hindi raw siya tumutugon sa mga kahilingan ng kaniyang mga magulang at hindi rin interesadong makipag-ugnayan o makipag-usap sa ibang mga bata. Gayunpaman, may kakayahan siyang magsaulo ng maraming impormasyon at magsagawa ng mga kumplikadong mathematical calculations gamit lamang ang isipan.
Dahil sa pagkabalisa umano ng mga magulang ni Triplett sa kaniyang mga kinikilos, sumulat ang mga ito ng 22-pahinang liham sa isang child psychiatrist, kung saan idinidetalye rito ang kilos ng kanilang anak. Naging susi naman ang dokumentong iyon sa karagdagang pag-aaral at dokumentasyon tungkol sa autism disorder.
Sa kabila ng kaniyang diagnosis, na kalauna’y itinuring na malubhang kapansanan, nag-aral si Triplette sa unibersidad at nagkaroon ng "independent life." Nagtrabaho siya sa isang lokal na bangko nang mahigit sa 60 taon.
Ayon sa kaniyang pamilya, pumanaw si Triplette noong Hunyo 15 sa kaniyang tahanan sa maliit na lungsod ng Forest sa Mississippi, United States.
“[His parents] recognized early in Don's life that he was special in many ways, and they worked diligently to equip him with the means to achieve a happy and productive life," nakasaad sa obitwaryo ni Triplett na inulat ng AFP.