Bilang kabisera o kapital na lungsod sa Pilipinas, kilala ang Maynila bilang isang sentro hindi lamang ng ekonomiya, kundi ng kultura ng ating bansa. Kaya naman, sa paggunita ng makasaysayang Araw ng Maynila, halina’t pasyalin ang mga kaaya-ayang lugar sa Maynila na hindi mo dapat palampasin!

Rizal Park o Luneta Park

Mercato Centrale comes to the historic

MB file photo

Kilala bilang pinakamalaking pampublikong parke sa Maynila, isa ang Rizal Park o Luneta Park sa mga paboritong puntahan ng mga Manileño maging ng mga turista lalo na tuwing weekends o holidays, katulad ngayong ang Araw ng Maynila.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Sa pagbisita sa naturang parke ay hindi lamang gagaan ang pakiramdam dahil sa mga naggagandahang hardin at fountains nito. Maaari ka rin nitong matulungang alalahanin ang mahalaga nating kasaysayan dahil matatagpuan din dito ang mga monumento ng dakilang bayani na si Dr. Jose Rizal. Ipinangalan mismo kay Rizal ang parke dahil dito isinagawa ang naging pagpaslang sa kaniya ng mga dayuhang kastila.

Kung nais mo ring masilayan at mapuntahan ang Rizal Park, matatagpuan ito sa Roxas Boulevard, Ermita, Manila.

National Museum Complex

Mandate and Objectives – National Museum

Courtesy: National Museum of the Philippines

Kilala ang Pambansang Museo ng Pilipinas o National Museum of the Philipines bilang isang museo ng mayamang kultura at kasaysayan ng ating bansa. Isa itong institusyong pang-edukasyon, pang-agham at pangkultura na kumukuha, nagdodokumento, nag-iingat, nagpapakita, at nagtataguyod ng iskolar na pag-aaral at pagpapahalaga sa mga likhang sining, specimens, at maging sa cultural at historical artifacts na kinatawan ng natatanging pamana ng kultura at kasaysayan ng mga Pilipino at bansa.

Nahahati ang National Museum sa mga bahagi tulad ng National Museum of Fine Arts kung saan makikita ang iba’t ibang hallway exhibitions at galleries tulad ng makasaysayang likha ni Juan Luna na ‘Spolarium’; National Museum of Anthropology kung saan makikita ang iba’t ibang ethonological at archeological exhibitions, at National Museum of Natural History kung saan naman makikita ang iba’t ibang permanent galleries na nagpapakita ng mayamang biological at geological diversity ng Pilipinas.

Maaari mo ring pasyalan ang National Planetarium o ang “Filipino Life Guided by Skies” na nakatuon hindi lamang sa modern astronomy kundi sa mga kasanayang ethnoastronomy na ginagamit ng ating Filipino cultural communities.

Kaya naman, kung nais mo ring matuto, magbaliktanaw, at masilayan ang National Museum, matatagpuan ito sa P. Burgos Drive, Rizal Park, Manila.

Quiapo Church

MB file photo

Isa ka rin ba sa nahumaling at natuto sa akda ng ating National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee na may pamagat na “Trip to Quiapo” o ‘di kaya naman ay ang masugid na manonood ng seryeng “Batang Quiapo”?

Base pa lamang sa mga akda at seryeng ito, mababanaag na ang kasikatan ng lugar na Quiapo sa Maynila. Ngunit, higit pa rito, nagtataglay ang simbahan ng Quiapo ng kahalagahan sa ating kasaysayan at kultura.

Ang Basilica Minor of the Black Nazarene (Parish of San Juan Bautista), o mas kilala bilang Quiapo Church ang nagsisilbing tahanan ng Itim na Nazareno, isang imahen ni Kristo na pinaniniwalaang mapaghimala. 

Tuwing buwan ng Enero, kung kailan ipinagdiriwang ang Pista ng Itim na Nazareno tuwing Enero 9, karaniwang dumadaan ang Traslación ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church, kung saan dinadaluhan ito ng libo-libong mga deboto. 

Noon lamang Mayo, pormal nang itinaas ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang Quiapo Church bilang isang archdiocesan shrine, kung saan kinikilala ang simbahan bilang isang pilgrimage site.

Matatagpuan naman umano sa harap ng simbahan ang makasaysayang Plaza Miranda na nagsisilbi ring isang pugad ng aktibidad.

San Agustin Church 

San Agustin Church (Manila) - Wikipedia

Courtesy: Wikipedia

Kilala bilang pinakamatandang simbahan sa buong Pilipinas, itinayo umano ang San Agustin church mula 1587 hanggang 1606 sa Intramuros at nakilala dahil sa baroque architecture nito. Dahil dito, kinilala ang simbahan bilang isang national landmark at World Heritage Site ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).

Samantala, sa kabila ng katandaan nito, hanggang ngayon ay mababanaag pa rin angking ganda ng San Agustin church at nananatiling bukas para sa mga misa, kasal, at iba pang gawain ng simbahan. Sa katunayan, makikita pa rin ang kamangha-manghang estilo ng arkitektura nito at maging mga interior na nagtataglay na historical at cultural artifacts. Ayon pa nga sa isang pag-aaral nito lamang 2022, ang Agustin Church umano ang pinakamagandang gusali sa buong Pilipinas. 

Fort Santiago

Fort Santiago: Find time to walk around the landmarks of PH history

MB file photo

Kilala ang Fort Santiago sa Intramuros hindi lamang bilang magandang pasyalan kundi bilang isa rin sa mga salamin ng kasaysayan ng Pilipinas.

Ayon sa IA website na inulat ng Manila Bulletin, ang Fort Santiago ay naging isang kuta militar ng Espanya noong 1571 hanggang 1898 na tinitirhan ng maraming Pilipino at Amerikanong bilanggo noong Spanish Colonial Period at World War II (WWII) mula 1939 hanggang 1945. Nagsilbi rin itong punong tanggapan ng mga hukbo ng mga British (1762-1764), Amerikano (1898-1946), at Hapones (1942-1945). Sinasabi rin ng mga ulat na humigit-kumulang 600 bilanggo ang natagpuang patay sa loob ng mga piitan pagkatapos ng WWII. Sa isang panahon ay nakulong din ang bayaning si Rizal sa isa sa mga selda ng naturang piitan.

Idineklara bilang National Shrine and Monument ang Fort Santiago noong 1951 at National Cultural Treasure noong 2014. Hanggang ngayon ay nananatili pa rin itong isa sa mga popular na pasyalan ng bansa. 

Kung nais mong magtungo sa Fort Santiago, maaari ring mapuntahan dito ang ilang mga pasyalan tulad ng Almancenes Reales or Royal Warehouses na itinayo umano noong 16th century; Plaza Moriones, isang pampublikong pasyalan na kalauna’y naging kuwartel noon ng mga sundalo; Reducto De San Francisco Javier (Our Lady of Guadalupe Chapel), at ang Wall of Martyrs, na naglalaman ng mga listahan ng mga nakaligtas na Pilipino at mga nakakulong o pinahirapan sa lugar noong WWII.

Upang higit pang matuto tungkol sa mga huling araw ni Rizal, maaari mo ring bisitahin sa loob ng Fort Santiago ang Rizal Museum, kung saan may limang gallery na nagpapakita ng iba't ibang oras ng kaniyang pananatili doon.

Intramuros

MB file photo

Kilala bilang 'Walled City', isa ang Intramuros sa pinakamatandang distrito ng Maynila. Itinayo ito ng mga Kastila, partikular na si Miguel Lopez de Legaspi sa timog na pampang ng Ilog Pasig noong 1571. 

Malaki rin ang papel ng Intramuros sa kasaysayan ng bansa dahil naging sentro ito ng relihiyoso, pampulitika at militar na kapangyarihan noong ika-16 na siglo, kung saan kontrolado ang bansa ng Espanya. Tanging ang mga piling Espanyol at Mestizo lamang ang pinahintulutang tirahan sa Intramuros.

Dumaan man ang ilang siglo, napananatili ng Intramuros ang “old Spanish-era look” nito hanggang sa kasalukuyan.

Sa katunayan, hinirang ang Intramuros bilang Asia’s leading tourist attraction noong 2022. Nakatakda ring depensahan ng naturang walled city ang titulo nito ngayong taon.

MAKI-BALITA: Pinas, Intramuros, Cebu, nominado sa World Travel Awards; DOT, humingi ng suporta

Samantala, bukod sa mga nabanggit na San Agustin Church at Fort Santiago, matatagpuan mo rin sa Intramuros ang mahahalagang lugar sa kasaysayan tulad ng Manila Cathedral, Casa Manila Museum, Plaza de Roma, Baluarte de San Diego, at Rizal Shrine.

Mula sa mga parke, simbahan, at museo, mahihinuhang tunay na mayaman ang siyudad ng Maynila sa mga pasyalang tila ipinamana pa ng ating kasaysayan para matutunan, mahalin at pangalagaan.

Ngunit hindi pa rito natatapos, dahil bukod sa mga naturang lugar sa Maynila, maaari mo ring bisitahin ang mga kaaya-ayang pasyalan sa lungsod tulad na lamang ng Binondo, Manila Zoo, at Manila Ocean Park.

Ikaw, mayroon ka rin bang naalalang pasyalan sa Maynila? Huwag nang mag-atubiling ibahagi at bisitahin ang lugar ngayong makasaysayang araw para sa ating Capital City.

Maligayang Araw ng Maynila!