Magkakaloob umano ang bansang Japan ng 313 milyong Japanese Yen o ₱127 milyong halaga ng scholarship para makakuha ang mga Pilipinong empleyado ng gobyerno ng Master's degree sa mga nangungunang Japanese universities simula sa susunod na taon.
Sa pahayag ng Embahada ng Japan , mangyayari umano ang naturang scholarship grant matapos lagdaan nina Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo nitong Biyernes, Hunyo 23, ang Exchange of Notes (E/N) para sa The Project for Human Resource Development Scholarship ng Japanese Grant Aid (JDS).
Popondohan umano naturang grant na nagkakahalaga ng ₱127 milyon ang ika-22 na batch ng JDS Fellows mula sa Pilipinas.
Tinatayang 20 kabataang Pilipinong empleyado ng gobyerno naman ang magiging benepisyaryo ng programa na makakuha ng kanilang Master’s degree simula sa Academic Year 2024 hanggang 2025.
“The JDS Program is part of Japan’s assistance to the human resource development initiatives of its recipient countries,” anang Japan Embassy.
“It aims to enhance the expertise of the JDS Fellows in their respective fields, contributing to their countries’ development. Since 2002, Japan has supported a total of 439 JDS Fellows from the Philippines,” dagdag nito.
Hindi pa naman nagbubukas ang mga aplikasyon para sa JDS Program. Kaya naman, hinihikayat ng Embahada ang aspiring scholars na bisitahin ang webpage ng JDS Philippines para sa mga anunsyo sa hinaharap at higit pang impormasyon. https://jds-scholarship.org/country/philippines/index.html