Tinatayang 73% ng mga Pilipino sa bansa ang naniniwalang malaki ang kontribusyon ng mga bakla, lesbiyana o tomboy sa progreso ng lipunan, ayon sa Social Weather Station (SWS) nitong Biyernes, Hunyo 23.

Sa tala ng SWS, nasa 8% naman ang hindi sumasang-ayon na malaki ang kontribusyon ng mga bakla, lesbiyana o tomboy sa progreso ng lipunan, habang 19% ang undecided.

Sa kapareho ring survey, 79% ng mga respondente ang naniniwalang mapagkakatiwalaan ang mga bakla, lesbiyana o tomboy tulad ng ibang mga Pinoy. Nasa 7% umano ang hindi sang-ayon dito habang 13% ang hindi makapagbigay ng kanilang panig.

Sa kabila ng mga positibong resulta hinggil sa pananaw umano ng mga respondente sa mga bakla, lesbiyana o tomboy, lumabas din sa survey, ayon sa SWS, na 43% ang naniniwalang maituturing ang sakit ng mga bakla, lesbiyana o tomboy ang acquired immunodeficiency syndrome o AIDS. Nasa 34% umano ang hindi sang-ayon dito, habang 22% ang uncided.

Metro

Barangay tanod na nagseselos, 'sinamurai' ang canteen helper; patay!

Lumabas din umano sa survey na 40% ng mga Pilipino ay nais na ang kanilang bakla, lesbiyana o tomboy na miyembro ng pamilya ay magbago at maging tuwid na lalaki at babae. Tinatayang 48% naman ang hindi sang-ayon dito, at 12% ang undecided.

Samantala, ayon pa sa survey ng SWS, 26% ang nagsabing nakakahawa ang pagiging bakla, lesbiyana o tomboy. Nasa 57% ang tutol dito, at 17% ang hindi nagbigay ng saloobin sa usapin.

Isinagawa umano ang nasabing survey mula Marso 26 hanggang Marso 29 sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas, at may sampling error margin na ±2.8%.