Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si United Arab Emirates (UAE) President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan dahil sa paggawad umano nito ng pardon sa tatlong Pilipinong nahatulan sa UAE, ayon sa Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Hunyo 23.
Sa ulat ng PCO, ibinahagi nito na nagpasalamat si Marcos kay Sheikh Mohamed sa pamamagitan ng telephone call matapos nitong pagbigyan ang kaniyang kahilingang dalawang buwan na ang nakararaan na bigyan ng pardon ang tatlong Pinoy.
Tulad ng hiling ni Marcos, pinagkalooban umano ng humanitarian pardon ang tatlong Pilipino, kung saan dalawa rito ang hinatulan ng kamatayan dahil sa drug trafficking, at isa ang sinentensiyahan ng 15-taong pagkakakulong para sa krimen ng slander.
Ibinalita umano ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ang desisyon ng UAE leader kay Marcos nitong Huwebes, Hunyo 22, matapos siyang makatanggap ng mensahe mula kay UAE Ambassador to the Philippines Mohamed Obaid Salem Alqataam Alzaabi.
Samantala, pinasalamatan din umano ni Marcos si Sheikh Mohamed para sa pagpapaabot ng tulong ng UAE sa mga lumikas na pamilya sa gitna ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa ulat pa ng PCO, sinabi naman ng Pangulo ng UAE na pinahahalagahan nito ang 600,000 mga Pilipino na nagtatrabaho sa kanilang bansa.