“Please continue to keep the departed souls and our family in your prayers during this difficult period of mourning.”

Ito ang panawagan ng pamilya ng mag-amang British-Pakistani na sina Shahzada Dawood, 48, at anak niyang si Suleman, 19, na kasama sa limang nasawi sakay ng submarine na nagtungo sa pinaglubugan ng Titanic.

Inanunsyo ng US Coast Guard nitong Huwebes, Hunyo 22, ang pagkasawi ng lahat ng limang sakay ng submarine matapos umanong sapitin ng kanilang sinasakyan ang isang “catastrophic implosion” sa ilalim ng karagatan.

MAKI-BALITA: Matapos ang ‘catastrophic implosion’: 5 sakay ng nawawalang submarine, nasawi!

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

"It is with profound grief that we announce the passing of Shahzada and Suleman Dawood," pahayag ng Dawood Foundation, isang family-run education charity, nitong Biyernes, Hunyo 23.

Miyembro umano si Shahzada at anak niyang si Suleman ng Dawood dynasty, ang nagmamay-ari ng industrial empire na isa sa mga pinakakumikita sa Pakistan.

"We extend our heartfelt condolences to the families of the other passengers on the Titan submersible,” saad pa nito.

Nagpasalamat naman ang pamilya ng mag-ama sa lahat umano ng tumulong sa rescue operations.

“Their untiring efforts were a source of strength for us during this time,” saad din ng naturang pahayag na nilagdaan ng mga magulang ni Shahzada na sina Hussain at Kulsum Dawood.

Samantala, nakiramay rin ang pamilya Dawood sa kamag-anak ng iba pang sakay ng submarine na kasama ng mag-ama.

“The immense love and support we receive continues to help us endure the unimaginable loss,” saad ng pamilya. 

Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, isa si Hussain Dawood sa pinakamayayamang tao ng Pakistan at pinuno ng Engro Corporation na may hanay ng mga interes sa enerhiya, agrikultura, petrochemical at telekomunikasyon.

Nagsilbi rin si Shahzada bilang isang trustee ng Search for Extraterrestrial Intelligence (SETI) Institute na nakabase sa California.

Nag-aral siya sa UK at US, at nanirahan sa Britain kasama ang kaniyang asawang si Christine, Suleman, at isa pang anak na si Alina.

Si Shahzada ay nasa board din umano ng Prince's Trust International, isang charity na itinatag ni King Charles III ng Britain na tumutulong sa mga kabataan na makakuha ng trabaho at edukasyon.

Noong Pebrero 2020, naging isang pangunahing tagapagsalita umano si Shahzada sa isang panel sa United Nations tungkol sa pagkakapantay-pantay ng kasarian sa agrikultura.