Nasawi umano ang lahat ng limang sakay ng submarine na nagtungo sa pinaglubugan ng Titanic matapos sapitin ng kanilang sinasakyan ang isang "catastrophic implosion” sa ilalim ng karagatan, ayon sa US Coast Guard nitong Huwebes, Hunyo 22.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ni Rear Admiral John Mauge na parehong pareho sa sa mga bahagi ng pressure chamber ng naturang submarine ang natagpuang ilang debris sa seafloor, 1,600 talampakan (500 metro) mula sa kinalalagyan ng Titanic.

Sinabi rin ng mga awtoridad na kalaunan ay nalaman nilang kasama sa mga piraso ang tail cone ng submarine at ang harap at likod na dulo ng pressure hull nito.

Sakay umano ng submarine sina British explorer Hamish Harding, French submarine expert Paul-Henri Nargeolet, Pakistani-British tycoon Shahzada Dawood at ang kaniyang anak na si Suleman, at si Stockton Rush, CEO ng operator ng submarine na OceanGate Expeditions.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Sinabi ni Mauger na hindi matiyak ng Coast Guard kung kailan o bakit sumabog ang submarine. Hindi rin umano nito ihayag kung makukuha ang mga labi ng mga nasawi.

Matatandaang matapos magsimulang bumaba sa ilalim ng dagat dakong 8:00 ng umaga noong Linggo, Hunyo 18, inaasahang muling lilitaw ang 21-foot (6.5-meter) na Titan pagkatapos ng pitong oras.

Samantala, nawalan umano ng komunikasyon ang craft sa mothership nito wala pang dalawang oras.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si Mauger, sa ngalan umano ng US Coast Guard, at ang OceanGate para sa pamilya ng mga nasawi.

"These men were true explorers who shared a distinct spirit of adventure, and a deep passion for exploring and protecting the world's oceans," anang OceanGate sa isang pahayag.

Nakatakdang magtungo ang mga sakay ng submarine sa pinaglubugan ng Titanic na matatandaang bumangga sa isang malaking bato ng yelo. Lumubog ito noong 1912, at kumitil ng buhay ng mahigit 1,500 indibidwal.

Mula England ay patungo umano noon sa New York ang Titanic na may sakay na 2,224 na pasahero at tripulante.

Natagpuan naman ang pinaglubugan ng Titanic noong 1985, at mula noon ay nais nang masilayan ng ilang nautical experts at underwater tourists.