Ginawaran ng Guinness World Records (GWR) ang isang 9-anyos na bata mula sa China para sa titulong “the fastest average time to solve a 3x3x3 rotating puzzle cube” matapos umano itong makabuo ng puzzle cube sa loob ng 4.48 seconds.
Sa ulat ng GWR, ibinahagi nito na pambihira ang husay at bilis sa pagbuo ng puzzle cube ng 9-anyos na si Yiheng Wang lalo na’t siya rin umano ang dating record holder sa naturang titulo matapos itong magkaroon ng 4.69-second record noong Marso ngayong taon.
Para matalo ang record niya noong Marso, nagkaroon muli umano ng format na 'average of five', kung saan limang beses na bubuo si Wang ng rubix cube at oorasan ang mga ito. Doon ay kakalkulahin ang average time, ngunit hindi kasama ang pinakamabilis at pinakamabagal niyang oras ng pagbuo.
Sa paglipas ng limang solves, nagrehistro si Wang ng mga oras na 4.72, 4.72, 3.99, 3.95, at 5.99. Mula rito, hindi isinama sa calculation ang pinakamabilis niyang 3.99 seconds at ang pinakamabagal na 5.99 seconds, kaya naman nagkamit siya ng average time na 4.48 seconds at muling kinilala para sa naturang titulo.
“No other speedcuber has ever recorded more than one sub-4-second solve over the course of five consecutive solves in WCA competition,” anang GWR.
“This makes Yiheng the first person to have a sub-4-second solve counted in competition, five years after Feliks Zemdegs became the first person to have a sub-5-second solve counted,” saad pa nito.
Lumahok na rin umano si Wang sa siyam na World Cube Association (WCA) competitions ngayong taon, at nanalo siya sa walo sa mga ito.