Sinabi mismo ni "Joey De Leon" na iba raw talaga ang impact ng ginawa nilang pag-exodus sa TAPE, Inc. at longest-running noontime show na "Eat Bulaga" sa GMA Network, at ngayon ay paglipat naman nila sa TV5.
Ayon sa isinagawang media conference sa contract signing ng TVJ at legit Dabarkads sa TV5 noong Hunyo 20, hindi pa umano nila ire-reveal kung ano ang magiging titulo ng kanilang noontime show.
Kasalukuyang ginagamit pa rin kasi ng TAPE, Inc. ang "Eat Bulaga" na kasalukuyang umeere sa GMA Network, 12:00 ng tanghali.
Para kay Joey, parang "ginulo" nila ang noontime dahil sa ginawa nila, at proud siyang naging mas exciting ang labanan ng shows lalo na sa slot na ito.
Inilarawan niya ito sa gumble game na "mahjong." Nang umalis daw sila, lahat daw ay tila naapektuhan.
Emosyunal naman silang tatlo nang magpaabot ng pasasalamat sa pamunuan ng TV5 at MediaQuest Holdings, Inc., lalo na sa chairman at CEO nitong si Manny V. Pangilinan.
"Ang feeling namin para kaming si St. Joseph, Mama Mary, na naghahanap ng bahay. Hindi ko naman sinasabing ito'y sabsaban, napakagandang sabsaban nito. Napakalaki... pero nagbigay ng tahanan. Thank you... thank you sa lahat," naiiyak na sabi ni Joey.
"In other words, thank you is not enough. Salamuch!" sey naman ni dating senate president Tito Sotto III.
"Maraming-maraming salamat. Kumatok kami, pinagbuksan n'yo kami ng pintuan, at talagang ramdam na ramdam namin ang pagmamahal, pagmamahal na hindi boss kundi isang Kapatid," pahayag naman ni Vic nang makabawi-bawi na ito.
"Siguro nga, dito na kami dinala ng tadhana," dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: TVJ emosyunal sa pagtanggap ng TV5: ‘Kumatok kami, pinagbuksan n’yo kami ng pintuan!