Naniniwala umano ang showbiz columnist at talent manager na si "Lolit Solis" na ang longest-running noontime show na "Eat Bulaga!" ay para lamang kina dating senate president Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon o mas kilala bilang "TVJ."
Anumang shows na nagbabalak na tumapat o gumaya rito ay "Fake Bulaga."
"Salve talagang love ng lahat TVJ," ani Lolit sa kaniyang Instagram post.
"Siguro sa tagal na rin sa showbiz grabe na ang naging foundation nila para basta lang magiba. Part na ng history ng showbiz ang Eat Bulaga, kaya kahit ano pa ang mabuo tiyak na magiging FAKE Bulaga lang. Ibigay na natin na pag-aari nila ang Eat Bulaga at lahat ng lalabas, FAKE Bulaga na lang."
"Ang tagal din nasa headline ang saga ng Eat Bulaga at ng Tito, Vic and Joey. Patunay na talagang ganoon sila ka-popular at kamahal ng tao. Kaya naman ang hirap labanan ng TVJ dahil na nga sa nagawa na nilang ilagay sa utak at puso ng mga Pilipino ang nagawa nila sa showbiz."
Naniniwala si Lolit na kahit saanman mapadpad ang TVJ, "wala na silang katalo-talo" kaya mahirap silang "gibain."
"Wala ng katalo talo kahit saan pumunta ang TVJ. Kumbaga sa isang paninda lahat bibili ng TVJ at walang tatanggi. Bonggang bongga kaya naman ang hirap gibain. Basta TVJ, ayan na, tanggap na agad. Wala ng tatalo, uwian na, may nanalo na, bongga," aniya pa.
Noong Hunyo 20, pormal at opisyal nang tinanggap at nagkapirmahan ng kontrata ang TVJ maging ang MediaQuest Holdings, Inc. at TV5.
Bumuo na rin ng sariling produksyon ang trio na tinawag nilang TVJ Productions.