DSWD, namahagi ng cash assistance sa mga Albay evacuee

(📸 Albay Provincial Information Office/FB)
DSWD, namahagi ng cash assistance sa mga Albay evacuee
Inumpisahan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng cash assistance sa mga lumikas na residente ng Malilipot, Albay dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa Facebook post ng DSWD, bago isagawa ang cash aid distribution ay bumisita muna si Senator Jinggoy Estrada sa mga evacuee sa San Jose evacuation center sa naturang bayan nitong Huwebes, Hunyo 22.
Gayunman, hindi binanggit ng DSWD kung naghatid ng ayuda si Estrada sa naturang lugar.
Nilinaw ng ahensya na ang ipinamahagi na financial assistance ay alinsunod sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Matatandaang inilikas ng pamahalaan ang mga residente sa palibot ng bulkan dahil sa nakaambang pagsabog nito matapos maitala ang patuloy na pag-aalburoto.