DepEd, magkakaloob ng P3,000 milestone anniversary bonus sa eligible employees
DepEd / MB Visual Content Group
DepEd, magkakaloob ng P3,000 milestone anniversary bonus sa eligible employees
Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes na pagkakalooban nila ng P3,000 anniversary bonus ang lahat ng eligible teaching at non-teaching personnel, bilang bahagi ng weeklong celebration ng 125th founding anniversary ng ahensya.
Batay sa DepEd Order No. 11, s. 2023 na may titulong “Policy on the Grant of Anniversary Bonus in the Department of Education,” ang lahat ng eligible DepEd personnel ay makakatanggap ng anniversary bonus na hindi lalampas sa P3,000, kung sila ay nakapagbigay na ng may isang taong serbisyo sa departamento, hanggang sa petsa ng milestone year.
Nakasaad din sa issuance na ang lahat ng DepEd officials at employees na employed bilang full-time o part-time basis, permanent, coterminous, provisional, temporary, casual, o contractual, na ang employment ay nasa nature ng regular employee, ay eligible para mabigyan ng anniversary bonus.
Samantala, ang mga absent without leave (AWOL) o wala na sa serbisyo hanggang sa Hunyo 23, at napatunayang guilty sa anumang paglabag na may kaugnayan sa kanilang trabaho sa loob ng 5-year interval sa pagitan ng milestone years, gayundin ang mga Consultants, Contract of Service, Job Orders, ay hindi sakop ng grant.
Anang DepEd, bilang karagdagan, layunin ng issuance na magkaloob ng multi-year policy guideline sa grant ng anniversary bonuses (AB) sa lahat ng DepEd officials at employees para sa kada milestone year simula sa FY 2023, at sa mga susunod pang milestone years.
Ang DepEd, na itinatag noong Hunyo 23, 1898, at may mandatong magkaloob ng de kalidad na basic education sa mga mag-aaral, ay magdiriwang ng kanilang 125th anniversary ngayong taon.
Ayon sa DepEd, ang 'milestone years' ay yaong ika-15 anibersaryo ng ahensiya, at tuwing ikalimang taon matapos ito.
"The grant of the anniversary bonus shall not be earlier than June 23 of the milestone year," anang DepEd.