Nais ni Cebu Archbishop Jose Palma na mahati ang Cebu Archdiocese sa tatlo upang higit pang mapaglingkuran ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya doon.

Nabatid na nakatakdang ilahad ng arsobispo ang planong paghahati sa arkidiyosesis, sa pagtitipon ng mga obispo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) sa Hulyo, na gaganapin sa Aklan.

"During our assembly (CBCP), I will have the time to present the proposal. There are various aspects of the proposal," pahayag ni Abp. Palma, sa panayam ng church-run Radio Veritas nitong Huwebes.

Pagbabahagi pa ni Abp.Palma, kasalukuyang nagsasagawa ng konsultasyon ng arkidiyosesis sa mga pari at mananampalataya hinggil sa usapin upang higit na maunawaan ng tao ang kahalagahan nito lalo na sa kanilang komunidad.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Nabatid na sa mungkahi ng arkidiyosesis,  hahatiin ito sa tatlo, kabilang ang Archdiocese bilang Mother Church, isang diocese sa Northern Cebu at isa naman sa Southern Cebu.

"This plan aims to serve more people, especially the far-flung areas and islands in the province," paliwanag ng arsobispo.

Dagdag pa niya, tinitingnan ang Carcar City bilang sentro sa itatag na diyosesis sa Southern part habang pinagpipilian naman ang Danao City at Bogo City sa Northern Cebu.

Layunin umano ng proyektong 'Sugbuswak' na mapaigting ang misyon ng simbahan na paglingkuran ang mananampalataya lalo't ang arkidiyosesis ang pinakamalaki sa bansa na may halos limang milyong katoliko na pinangangasiwaan ni Archbishop Palma katuwang sina Auxiliary Bishops Midyphil Billones at Ruben Labajo gayundin ang mga retiradong sina Bishops Emilio Bataclan at Antonio Ranola.

Katuwang din ng mga obispo sa pagpapastol sa Cebu ang 600 mga pari kung saan 400 dito ay diocesan habang mahigit sa 200 ay relihiyoso.

Sa Enero naman ng susunod na taon, inaasahang isusumite sa Vatican ang balangkas ng planong paghahati sa arkidiyosesis upang mapag-aralan at aprubahan ng Santo Papa.