Matapos ang nakapambubulagang "turn of events" sa noontime shows, naglabas ng open letter si Unkabogable Phenomenal Star Vice Ganda para sa kaniyang "It's Showtime" family, matapos pormal at opisyal nang inihayag na aalis na sila sa TV5 at mapapanood na sa GTV, ang sister channel ng GMA Network, Hunyo 20 ng gabi.
Itinaon pa ang anunsyo sa kauna-unahang media conference ng TVJ at "legit Dabarkads" kaugnay ng paglipat nila sa TV5 kahapon ng Martes.
Sa kaniyang open letter, kinalma ni Vice ang kaniyang mga kasamahan sa noontime show dahil sa bilis ng mga pangyayari.
"Alam kong nagulat kayo. Naguguluhan. Natatakot. Nalulungkot. Naiiyak. Haaaaay! Hingang malalim. May kaguluhan at kabilisan ang mga ganap. Ganunpaman, kalma lang (at least try). Nakakabigla man ang mga nangyayari, sabi nga ng linya ko sa kanta natin, "Basta't kasama Kapamilya, kahit ano pa 'yan kayang-kaya!" Sa dami ng mga pinagdaanan natin, kering keri na natin 'to. Naranasan na natin ang ma-torture, mabugbog, ilibing nang buhay. Ngayon pa ba! Tapik na lang 'to!" ani Vice Ganda.
Sinabi rin ni Vice na ang totoong tahanan nila ay puso ng Madlang People. Madlang People ang tawag nila sa solid Showtimers na tumatangkilik sa kanilang programa.
"Madami mang walang kasiguruhan, pero sigurado akong mahal tayo ng minamahal nating Madlang People. At ang pagmamahal na yun ang bumuhay sa 'tin sa bawat paghihingalong naranasan noon. Ang puso ng Madlang People ang TOTOONG TAHANAN natin.
"Kaya tuloy lang. Patuloy tayong magpasaya at magbigay ng pag-asa. Maniwala ka, 'Ituloy lang ang sikap, sa dulo'y kikislap!' Sa oras ng iyong panghihina at pagkalito ay sasamahan kita. Bubuhatin natin ang isa't-isa. Itataguyod kahit anong pagod. Di kita iiwan. Pahirin mo ang iyong luha. Itutuloy natin ang saya. Dito at doon. Damhin mo ang mahigpit kong yakap. Mahal na mahal kita!"
Sa dulo, may pa-quote pa si Vice na "Life is fascinating and makes you grateful. When it takes one thing from you it always replaces it with something else."