Matagumpay na natapos ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region ang idinaos nilang Measles, Rubella and bivalent Oral Poliovirus Supplemental Immunization Activity (MR-bOPV SIA) na mayroong 91% na total vaccination coverage para sa measles-rubella at 85% coverage naman para sa oral polio vaccine sa ilang piling lugar sa rehiyon.
Iniulat ni Regional Director Paula Paz M. Sydiongco nitong Miyerkules na batay sa unofficial quick count at mula sa datos na isinumite ng iba’t ibang local government units (LGU), umaabot sa 378,396 mula sa kabuuang 416,762 target na kabataan ang nakatanggap ng MR vaccination at 162,687 naman mula sa 190,603 paslit sa priority areas ang tumanggap ng kanilang OPV vaccine, hanggang nitong Hunyo 19, 2023.
“Nagpapasalamat po kami sa lahat ng mga LGUs, vaccinating teams, partners at stakeholders at sa lahat ng mga health workers sa inyong determinasyon upang lahat ng bata ay mabakunahan at matagumpay na maidaos ang MR-OPV SIA vaccination sa ating region at sa patuloy na pagsulong ng mga programang pangkalusugan. Lubos po ang aming pasasalamat sa inyong lahat. Ang tagumpay na ito ay para sa inyong lahat,” ayon kay Sydiongco.
“With this accomplishment, we can safely say that we have close the immunization gap and prevent measles outbreak and re-circulation of poliovirus in the region,” dagdag pa niya.
Nabatid na ang Ilocos region ay pangatlo sa overall nationwide vaccination coverage, na pinangunahan ng CARAGA region na may tally na 100.38% at ng National Capital Region (NCR) na may 91.04%.
Ayon sa regional MR vaccination coverage, mula sa 125 LGUs, nasa 27 ang may below 80%, 34 ang nasa pagitan ng 80% - 94% at 64 ang nasa above o lampas 95%.
Sinabi naman ni Sydiongco na aanalisahin ng regional office ang immunization performance ng bawat LGUs sa routine at supplemental immunization activities upang matukoy ang mga high-risk areas para sa catch-up activities.
Aniya pa, “We will continue to strengthen the routine immunization in all areas and ensure continuous provision of immunization services through fixed sites and outreach sites and integrate vaccine-preventable disease surveillance both in facility-based and community-based health services.”