Foreigner na nagbebenta ng pekeng smartphone, arestado!
Angeles City, Pampanga -- Inaresto ng Angeles City Police ang isang Chinese national na sangkot umano sa pagbebenta ng mga pekeng smartphone sa lungsod nitong Martes, Hunyo 20.
Kinilala ni Police Regional Office 3 Director Brigadier General Jose Hidalgo Jr., ang nahuling Chinese national na si Zeng Yunshi, na pansamantalang naninirahan sa Metro Manila.
Naaresto si Yunshi sa isinagawang entrapment operation ng Angeles City Station 3 sa harap ng Jaoville Compound, Brgy. Pandan, Angeles City para sa estafa.
Lumalabas sa imbestigasyon na isang nagngangalang "Rachell" ang bumili ng bagong Iphone 14 Pro Max kay Yunshi na halagang P11,000.
Nang suriin ng buyer, napag-alaman na ito ay peke. Sinubukan niyang kontakin si Yunshi ngunit hindi na ito sumasagot kaya't inireport na niya ito sa awtoridad.
Isinagawa ang entrapment operation kung saan bumili si "Jess," kaibigan ng biktima, ng isa pang smartphone sa suspek.
Napagkasunduan nilang magkita sa harap ng Jaoville Compound at doon na inaresto ang suspek.
Ang mga dokumento ay inihanda na laban sa suspek.