Agad na nagpaliwanag si Quezon City District 5 Councilor Aiko Melendez matapos mabatikos dahil sa pagti-TikTok nila ng ilang opisyal sa QC, sa loob mismo ng session hall.
Hindi nagustuhan ng marami ang ginawa nila dahil parang "nabastos" daw ang legislative building ng Quezon City.
Ang unang TikTok video niya ay pagsayaw ng awitin ni Mariah Carey na “Touch My Body" kasama si Sangguniang Kabataan (SK) Federation President for QC Councilor Julian Trono.
Sumunod naman, kasama na nila ni Trono sina Majority Floor Leader Dorothy Delarmente (QC Councilor District 1), Wency Lagumbay (QC Councilor District 3), at Chuckie Antonio (QC Councilor District 3).
Pero giit ni Melendez, ginawa nila ito bago magsimula ang session, at wala silang anumang nilalabag na batas.
"Please Read the caption po. Clearly, it says 'before session,' it means wala pa roll call, and that was 30 mins before session, so wala kami violate na ruling. FYI… I know the ruling," ani Aiko.
"We were also just celebrating because yesterday it was finally calendared in our agenda to approve the additional 10,000 bonuses for our employees dahil nakuha namen ang COA unqualified opinion 3rd year in a row," paliwanag pa niya.
Makikitang naka-turn off ang comment section ng dalawang TikTok videos.
Sa Instagram posts naman ni Aiko, inedit niya ang captions kung saan ibinahagi niya ang kontrobersyal na TikTok videos.
"Pasikat with konsi @juliantrono feeling young. Before session! TikTok I think we were just celebrating the approval of the 10,000 pesos bonus to all QC Employees of QC GOV, dahil nakuha natin ulit ang COA Unqualified Opinion 3rd year in a row."
Makikita pa sa IG posts ni Aiko ang kanilang pagiging seryoso sa tungkulin nang magsimula na ang sesyon.