Sasanayin ng Minghsin University of Science and Technology ng Taiwan, bilang bahagi ng work-study program ng gobyerno, ang mahigit sa 200 Filipino engineers sa mga darating na taon, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO).

Sa isang pahayag, sinabi ni MECO Chair Silvestre H. Bello III na nakapagpatapos na ang unibersidad ng 73 mga Pilipino estudyante na nakatapos ng Bachelor of Science in Industrial Engineering major in Management (IEM).

Nagtapos umano ang unang batch, na ganap na ng mga babaeng inhinyero, noong Pebrero, at nagtapos naman ang pangalawang batch ng 53 mga mag-aaral noong nakaraang linggo.

Mula nang ilunsad ito noong Marso 2019, napakinabangan na ang work-study program ng Taiwan ng 201 estudyanteng Filipino mula sa iba't ibang rehiyon sa Pilipinas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"I express our gratitude to the Minghsin University management and teachers for your dedication and hard work especially as you orient, accompany and oversee the students' academic progress as well as their social, cultural and spiritual journey in Taiwan," ani Bello sa isang graduation message.

Bahagi ang work-study scheme ng Academe-Industry Collaboration Program ng Taiwan at nag-aalok ito ng apat na taong baccalaureate degree na nagsasama ng mga oportunidad sa pag-aaral at internship.

Makakatanggap din ang mga mag-aaral ng masinsinang pagsasanay sa wikang Mandarin at sasailalim sa mga internship program sa mga industriyal at semiconductor companies na matatagpuan sa Hsinchu Science and Industrial Park.

Sa pagkumpleto ng internship period, binibigyan ang mga mag-aaral ng agarang mga employment prospects pagkatapos ng kanilang graduation.

Sa kabuuang bilang ng Filipino graduates, dalawa lang umano ang piniling hindi na magpapatuloy sa pagtatrabaho sa Taiwan. Isang nagtapos ang nagpasya na magpatuloy sa pag-aaral sa Australia, habang ang isa naman ay bumalik sa Pilipinas para magtayo ng sariling negosyo.

Ginagawa naman umano ang pagpili ng mga benepisyaryo para sa work-study program sa pakikipagtulungan ng Congregation of Missionary Sisters of Saint Charles Borromeo sa pamamagitan ng iba't ibang diyosesis sa Pilipinas.

Jaleen Ramos