Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kabataang pagbutihin ang kanilang mga pag-aaral at patuloy na magsilbi at tumulong sa mga nangangailangan.
Sinabi ito ni Marcos sa isang video message nitong Lunes, Hunyo 19, bilang pagdiriwang ng “Araw ng Kabataang Pilipino.”
"Tulad ng ating mga ninuno, buo ang paniniwala ko na ang mga kabataan ang pag-asa at kinabukasan ng ating Inang Bayan,” pahayag ni Marcos.
"Kaya naman, hinahamon ko ang ating mga kabataan na pag-ibayuhin ang inyong pag-aaral, magsilbi sa inyong komunidad at patuloy na tumulong sa mga nangangailangan,” dagdag niya.
Sinabi rin ng Pangulo na sa angkin umanong “idealismo at walang kapagurang lakas” ng mga kabataan, tiwala siyang itataguyod ng kanilang henerasyon ang bansa bilang mga susunod na mga lider at mamamayan nito.
“Kaya naman, hinihakayat ko kayo na pagyamanin ang inyong mga talino at talento sapagkat sa hinaharap, aasahan namin ang inyong pakikiisa sa pagbuo ng isang mas maganda, mas masagana at mas matatag na Pilipinas,” ani Marcos.
“Dahil dito, asahan ninyo ang aming buong suporta sa pagtataguyod sa inyong kapakanan at pagtupad sa inyong pangarap para sa inyong mga sarili at para sa ating bansa. Mabuhay ang kabataang Pilipino,” saad pa niya.
Sa pamamagitan ng Proclamation No. 75 na nilagdaan noong 1948, idineklara bilang Filipino Youth Day ang ika-19 ng Hunyo, ang kaarawan ng bayaning si Dr. Jose Rizal.