Pasabog ang anunsyo ng "It's Showtime" at ABS-CBN na mapapanood na sa GTV, sister channel ng GMA Network, ang nabanggit na noontime show simula Hulyo 1.
MAKI-BALITA: ‘G na G na ang Madlang Pipol!’ ‘It’s Showtime’ mapapanood na rin sa GTV
Sa inilabas na opisyal na pahayag ng ABS-CBN, nagpasalamat sila kay TV5 Chairman Manny Pangilinan sa pagpayag na maging tahanan din ng Showtime ang nabanggit na network, sa ilang buwan.
Ngunit dahil daw sa ilang "movements" sa noontime slot ng TV5 dahil sa pagpasok ng bagong noontime show ng TVJ at iba pang original Eat Bulaga hosts, inalok daw ng TV5 ang Showtime na kunin ang 4:30pm slot.
Bagay na hindi naman tinanggap ng ABS-CBN kaya nakipag-negosasyon sila sa GMA para sa posibilidad na mapanood ang noontime show sa GTV.
Kaya naman, nagbubunyi ang mga Kapamilya at Kapuso dahil sa panibagong first time na ito sa Philippine television, simula nang mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN.