Tila napupuno ng “unconditional love” ang tahanan ng mag-partner na senior citizens na sina Azadi Oblongata, 67, at Sony Costiniano, 72, mula sa Pangasinan dahil hindi lang isa o dalawa ang inaalagaan nilang aso, kundi mahigit 60 fur babies!

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Oblongata na nagsimula silang mag-alaga ng aso taong 2013.

Noong una ay tatlong puppies pa lamang daw ang mayroon sila, ngunit dahil sa pagkawili sa mga ito ay dumami nang dumami hanggang sa umabot na nga ng mahigit 60 fur babies. Ang kanila umanong mga alaga ay may mga breed na Shih Tzu, Maltese, Morkie, at Tibetan Spaniel.

Ayon kay Oblongata, malaki ang naitutulong ng mga presensya ng kanilang mga aso sa buhay nilang magkasintahan lalo na’t tila nagsisilbi na rin umano ang mga itong proxy babies nila dahil nasa ibang bansa ngayon ang kanilang mga anak.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Dalawa lang po kami ng partner ko [sa bahay], mga senior citizen na po kami, kaya kailangan namin ang maraming kasama para hindi maging sad ang life namin,” saad ni Oblongata.

Kinuwento rin niyang sa dami ng kanilang fur babies ay hindi maiiwasan na maggirian ang mga ito, ngunit hindi naman daw ito masyadong problema sa kanila dahil madali naman ang mga itong sawayin kaya’t hindi na umaabot pa sa away.

Samantala, tulad sa mga magulang, isa raw sa pinakamahirap na parte ng pagiging fur parent ay kapag nagkakasakit ang kanilang mga alaga.

“Talagang depressing at stressful nakakaawa silang tingnan ‘pag may sakit, nakakadurog ng puso,” saad ni Oblongata.

“Kaya talagang maingat na maingat po kami pagdating sa hygiene at health nila.”

Bagama’t hindi raw ganoon kadali ang pag-aalaga ng napakaraming aso, sinabi ni Oblongata na hindi nila ito alintana dahil mas nananaig ang kasiyahan at fulfillment na nararamdaman nila sa piling ng kanilang fur babies.

“Super bait nila. Sweetness to the max. Ramdam na ramdam po namin yung unconditional love nila,” ani Oblongata.

“No time wasted po, ‘yun po ‘yung fulfillment na nararamdaman namin.”

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!