Kinondena ng Akbayan Party ang naging pahayag ng bagong kalihim ng Department of Health (DOH) na si Dr. Teodoro "Ted" Herbosa tungkol sa planong paglipat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ilalim ng pamamahala ng Office of the President (OP) at sinabing maaari lamang itong magaya sa sitwasyon ng Department of Agriculture (DA).
Sa isang press conference nitong Lunes, Hunyo 19, sinabi ni Herbosa na iniisip niya na nais lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tutukan at mas maging “efficient” ang PhilHealth kaya’t isasailalim ito sa OP.
“It’s a management thing if you want to make something more efficient. If we’re trying to think about this, I think the President wants to have better and more efficient health care financing kasi gusto niyang tutukan. If you put in the [Office of the] President, mas madaling matutukan,” ani Herbosa.
Kinuwestiyon naman ni Akbayan Party President Rafaela David ang naturang pahayag ni Herbosa.
"Kapag tinutukan ng tanggapan ng Pangulo, magiging efficient na kaagad?” saad ni David.
“Parang hindi naman ganun ang kaso sa Kagawaran ng Agrikultura na wala pa ring Secretary hanggang ngayon. How can the President transform PhilHealth into an efficient and pro-people government office when he continues to fail to address the accusations of rice and sugar smuggling, hoarding, and cartelization plaguing the DA, which is currently under his direct supervision," dagdag niya.
Iginiit din ng pangulo ng Akbayan na hindi lamang umano tungkol sa "management" ang “government efficiency.”
“It's about good governance, transparency, and people's participation. Kung gusto ninyong gawing mas maayos ang mga proseso sa PhilHealth, konsultahin n'yo muna ang publikong umaasa rito, hindi 'yung pailalim ninyong ililipat ang ahensya sa ilalim ng Office of the President," ani David.
"Kakaupo pa lang ng bagong Health Secretary, pero tila aminado na kaagad siya na hindi niya kayang ayusin ang PhilHealth. Huwag sanang ganun. Mapag-iiwanan na naman niyan ang mga mamamayan. Public health should be managed by public health experts. Hindi pasahan ng responsibilidad ang solusyon," saad pa niya.
Noong buwan ng Mayo, ang Akbayan Party umano ang unang naglantad sa planong paglilipat ng PhilHealth sa OP matapos makakuha ng dokumentong nagsiwalat sa paglikha ng isang Technical Working Group (TWG) na naatasang magsuri at mangasiwa sa pagbabago ng administrasyon ng naturang health provider.
Ang PhilHealth ay isang korporasyon ng gobyerno na kasalukuyang nakakabit sa DOH.