Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 301 rockfall events at isang pagyanig sa Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24 oras.

Sa tala ng Phivolcs nitong Martes, Hunyo 20, nagkaroon din ang bulkan ng dalawang  Pyroclastic Density Current (PDC) events o ang mabilis na pagdaloy umano ng mainit na gas, abo, o basag-basag na mga bato sa dalisdis ng bulkan.

Namataan din ang mabagal na pagdaloy ng lava na may habang  2.5 kilometro sa Mi-isi Gully at 1.8 kilometro sa Bonga Gully at pagguho ng lava hanggang 3.3 kilometro.

Samantala, naiulat din ngayong araw ang pagkakaroon ng katamtamang pagsingaw ng usok na may taas na 800 metro na napadpad sa timog-kanluran at kanluran-timog-kanluran.

National

Palasyo, walang impormasyon na aarestuhin umano ng ICC si VP Sara

Nasa 389 tonelada ng sulfur dioxide flux naman kada araw ang ibinuga ng Bulkang Mayon mula nitong Lunes, Hunyo 19, at nananatili pa rin ang pamamaga nito.

Naobserbahan umano ang naturang pag-aalburoto ng bulkan dakong 5:00 ng madaling araw nitong Lunes, hanggang 5:00 ng madaling araw nitong Martes.

Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.

Kaya naman, mariing ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius sa Permanent Danger Zone maging ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa babaw ng bulkan.

Nananatili pa rin sa Alert Level 3  (increased tendency towards a hazardous eruption) ang bulkan.

MAKI-BALITA: Bulkang Mayon, itinaas sa Alert Level 3